Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Community Watch

Ang aking Japan experience: Ni Laarni Manuel

Ni Laarni Manuel

Ang Japan ay isang fairy tale sa pagbibida ng mga taong nakarating na rito.  Ngunit ang bansang ito pala ay mas marami pang surpresa dahil ito ang isang lugar kung saan nagbabanggaan ang pinaka-moderno at pinaka-sinaunang kultura sa isang sayaw ng buhay.

Nang ako’y unang baba sa eroplano noong February 2009 at umapak sa Narita International, isa lang ang aking inaasahan, ang magigisnan ko na ng personal ang mala-paraisong ganda ng bansang Japan, na karaniwan lang nakikita ko noon sa mga larawan.

Agad akong namangha, dahil nang makalabas ako sa airport at dinala ako ng mga sumundo sa akin sa malapit na Narita Jinja kung saan nakita ko ang kakaibang pag-aalaga ng mga Hapones sa mga libong-taon nang kultura nila. Mamamalas mo ang kakaibang ganda ng maka-lumang anyo ng Japan na nahaluan ng kakaibang uri ng pagsamba, o pagdarasal ng mga bumibisita rito sa mga imahen o altar na bago sa akin.

Kakaiba rin kaagad ang lamig ng panahon na dumampi sa akin at agad akong sinipon dahil umaabot sa negative 4 degrees celcius ang temperatura noon.  Halos ayaw kong lumabas dahil sa sobrang lamig.

Lumakas lang ang aking loob na lumabas nang ako’y niyaya para pumunta sa isang snow area, dahil matagal ko nang pinangarap makaranas ng snow kaya nasabik ako.  Sa sobrang kasabikan, sumakay na ako sa sasakyan nang nakatsinelas lang.  Malapit na kami sa Mount Akagi sa Gunma nang mapansin kong nakatsinelas lang ako.  Mabuti na lamang at ipinahiram ng asawa ko ang kanyang sapatos, para maranasan ko ang maglaro sa niyebe.

Pakiramdam ko ay nasa paraiso ako nang makita ko ang tuktok ng Mount Akagi na puting-puti at kahit na may kalakihan ang suot kong sapatos, naglaro akong parang paslit sa snow, ni hindi inalintana ang ginaw. Ilang beses man ako nadulas, ay masaya paring umuwi.  Nasabi ko ang sarap dito sa Japan.

Ni Laarni Manuel

Makalipas ng halos dalawang buwan, nagsimula nang mamukadkad ang ibat-ibang kulay ng tag-sibol.  Dito ko rin unang nasubukang pumasok sa trabaho matapos akong matanggap sa isang Laundry Shop sa Kumagaya City.  Medyo mahirap ang trabaho, maghapong nakatayo at dahil plantsahan ang pwesto ko, sobrang init ang buong maghapon.

Hindi rin ako marunong mag-bike noong una, pero kinailangan kong matutunan kung hindi ay malayo-layo rin ang aking lalakarin para makarating sa trabaho.  Takot na takot ako dahil masyadong masisikip ang mga daan patungo at palabas sa aming tinitirhan, at marami ring sasakyan ang dumaraan.

Habang tumatagal, nararamdaman ko na ang pangungulila sa mga bagay na nakasanayan sa Pilipinas, lalo na ang mga pagkaing pinoy.  Ang pandesal na kinakain namin tuwing umaga kasabay ng kape ay tuluyan nang naglaho tungo sa aking imahinasyon.  Nagsimula ring bumigat ang pakiramdam ng pagiging dayuhan, dahil hindi mo maintindihan ang pinag-uusapan ng mga taong nasa paligid mo.  Minsan kapag kinakausap ka at hindi mo maintindihan, sumasagot ka na lang ng “hai, wakarimashita”, para lamang tumigil na silang kausapin ka.  Sa maraming pagkakataon, naawa ako sa sarili ko, ngunit sa ibang pagkakataon naman ay natatawa ako lalo na kung malalaman kong anlayo pala ng isinasagot ko sa sinasabi sa akin.

Ni Laarni Manuel

Ngunit sa kabila nito, nakitaan ko ang mga marami kong katrabahong hapones ng kabaitan, dahil kahit alam nila na hindi kami magkaintindihan, unti-unti nila akong tinuturuan ng mga salita, hanggang sa unti-unti rin nila akong nakakakwentuhan na.

Sa aking trabaho, naranasan ko ang may kasamang tamad, mabagal o di kaya ay umiiwas sa mga mahirap na gawain.  Marami rin ang madaldal, tsismosa at sumbungera sa kahit anong lahi.  Kaya naman, nagpasya ako na itungo na lang ang ulo na magtrabaho, dahil gusto ko lamang magkaroon ng kita at makaipon kahit kaunti.

Sa ngayon ay mahigit isang taon na ako sa Japan, marami na rin akong napag-aralan at narating.  Marami na rin akong nakilala, mga totoong tao, kunwari kristiyano, mayroong ubod ng bait, merong nagbabait-baitan, merong lasenggo at sunog-baga, mayroon ding mapapel at nagdudunung-dunungan, merong bilog, at meron ding nambibilog ng ulo ng kapwa niya.  Dahil sa mga taong ito, nagsisimula ko nang matanggap na ang bansang kinaroroonan ko ngayon, ay halos kahalintulad na rin ang aking bansang Pilipinas.  At nasabi ko sa aking sarili, “Kaya kong mabuhay dito.” (Ni Laarni Manuel)

 

Comments are closed.