Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Cover Focus

Alden Richards is Victor Magtanggol

Ang phenomenal Kapuso star at ang tinaguriang Pambansang Bae na si Alden Richards ay ready na sa kanyang pagbabalik sa primetime TV upang pangunahan ang pinakabagong drama series ng GMA, ang Victor Magtanggol.

Simpleng titulo dahil parang Juan dela Cruz na nagre-represent sa bawat Pilipino.

Sa interview ng GMA 7 kay Alden, tinalakay nila ang role niya bilang si Victor Magtanggol.

Si Victor Magtanggol ay isang simpleng tao na nabigyan ng isang extraordinaryong misyon sa buhay na masusukat ang lahat sa buhay niya, pagsubok sa pamilya, pagsubok bilang kapatid, pagsubok bilang kaibigan, lahat,” ani Alden.

Hindi na nagdalawang-isip pa si Alden na tanggapin ang role dahil isa ito sa kanyang pinapangarap na role.

Natuwa ako at na-excite kasi yung puso ng character naramdaman ko agad nung binasa ko pa lang yung first week ng script,” lahad ni Alden. Habang binabasa pa lang ni Alden ang script ay na-involved na agad siya sa istorya at masaya siyang naki-collaborate sa kanilang creative team para mas maka-relate sa mga TV viewers.

Yung mensahe na ide-deliver nung project na ito sa manonood ay kailangan at napapanahon, mapupulutan ng inspirasyon at kumbaga ay magiging aspirational,” dagdag pa ni Alden.

Ang Victor Magtanggol ay puno ng drama, action at adventure na sumasalamin sa buhay ng bawat Pilipino.

Nang binigay kasi sa akin ang ‘Victor Magtanggol’ at dinescribe ang character niya, ang lakas ng koneksyon sa mga Pilipino. So, yung mga Pilipino na may prinsipyo, yung pag inatasan mong gawin ang isang bagay ay paninindigan nila. Gusto natin kapag pinanoood ng mga Kapuso natin si Victor Magtanggol, makikita nila ang mga sarili nila,” excited na paghahayag ni Alden na makikitang super excited sa naturang proyekto. Siyempre kapag may bagong proyekto, talagang pinaghahandaan niya ito lalo pa’t mahuhusay na artista ang kanyang makakasama.

Kung babalikan natin ang nakaraan, seven years ago, si Alden, bago siya na-discover sa telebisyon ay nakaranas muna ng failure sa auditions. Nag-audition siya sa “Starstruck” at “Pinoy Big Brother Teen Clash of 2010” pero hindi naging maswerte. Subalit, ang mga failures na ito ay hindi naging sagabal kay Alden dahil ito rin ang ginamit niyang sandata upang patatagin ang kanyang loob upang huwag niyang sukuan ang kanyang pangarap.

Nagpatuloy pa rin siya sa audition hanggang pumasa siya para sa isang fantaserye ng GMA 7, ang “Alakdana.” And the rest is history. Napasama siya sa mga youth oriented shows ng at nag-guest sa iba’t ibang variety shows at drama series ng GMA 7 bilang suporta. Alden had his shares of career high and lows na hindi naman maiiwasan sa showbiz. Minsan din iniisip niya kung tama ba ang kanyang career path. Para kay Alden, prayers ang laging kasagutan sa lahat ng physical exhaustion o stress at maski yung negative parts ng showbiz industry.

Madasaling tao si Alden kaya naman marami ang humahanga sa kanyang pagiging ma-respeto at pagiging matiyaga. Focus lang siya sa work at ginagawa niya ang kung ano ang dapat, hindi siya nagpapadaig sa intriga. Ayon kay Alden sa isang interview ng Pep.ph, “Ang primary goal ko talaga, no matter how negative or unfair this business can be, I’m just gonna continue to do good para nakikita ko yung purpose ng trabaho ko. The purpose of why I’m staying and why I’m still doing this job.”

Hindi pinanghinaan ng loob si Alden dahil alam niyang ang tagumpay ay darating sa “tamang panahon.”

Nang dumating ang “tamang panahon” kay Alden ay talagang bumulusok ang kanyang career paitaas. Sa pamamagitan ng programang “Eat Bulaga” na gumawa sila ng kakaibang teleserye.

Hindi na bago sa mga manonood ang “Juan For All, All For Juan” na kinabibilangan nina Jose Manalo, Paolo Ballesteros at Wally Bayola na bumibisita sa bawat barangay upang magbigay ng aliw at papremyo. At gumawa ang “Eat Bulaga” ng isang portion ng “Juan For All” na parang serye na may istorya na aabangan ng mga tao araw-araw. Dito sila tumuklas ng bagong mukha na may kakaibang talent upang ipakilala sa madala. Isa si Maine Mendoza na nag-audition para sa role na Yaya Dub.

Naging maganda ang rehistro ni Maine sa TV screen at ang kanyang makabagong antics na tinaguriang “Dubsmash Queen.” Habang ginagawa niya ang kanyang antics ay aksidenteng napatitig siya sa TV screen kung saan si Alden ay matamang nakatitig sa screen at pinanonood siya. Dito mabilis nakaisip ng bagong love team ang “Eat Bulaga” writers at sina Alden at Yaya Dub ay naging instant hit sa mga manonood and the rest ay history para sa love team na ito.

Kinilala hindi lang sa buong Pilipinas kundi maging sa ibang bansa. Binasag nila ang lahat ng records maging sa twitter, TV ratings, shows sa iba’t ibang lugar, pelikula at commercials. You name it, sila ang nanguna. No doubt, Alden Richards is the man of the hour. Nagtuluy-tuloy ang kasikatan ni Alden hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa abroad kung saan nagpapunlak siyang mag-show. Kabi-kabilang awards at citations ang natanggap ni Alden. Ayon kay Alden, mula noong nag-umpisa siya sa showbiz hanggang ngayon ay marami nang nagbago. Inamin naman niya na there were times na hindi na siya nakakakain nang tama sa oras o nakakatulog nang kumpleto. May instance pa nga na nakita siya sa TV na may sakit pero dahil professional nga si Alden ay hindi niya ininda ang sakit at tuloy pa rin siya sa pagpapasaya sa kanyang mga fans.

Pero ang hindi alam ng marami ay gumagawa siya talaga ng paraan upang ibigay ang “time to de-stress” moment niya. Hinahanapan niya ng oras ang pagpunta niya sa gym at ang mountaineering with his friends. Isa sa passion ni Alden ang umakyat sa bundok at mag-mountaing climbing, hiking, trekking, etc. Hindi lang si Alden ang nagkahilig nito dahil ilan din sa mga artista natin sa showbiz ay sumubok nito at sabi nga nila, kapag nasa ituktok ka ng bundok ay kakaiba ang pakiramdam. May sense of fulfillment at mas feeling mo ay napakalapit mo sa nature.

Payo rin ni Alden na kung susubuking mag-mountaineering dapat ay maging handa at katawan at isipan at siyempre lahat ng mga gadgets at kakailanganin ay dapat kumpleto.

Sa kung ilang taon ni Alden sa showbiz ay marami na rin siyang na-achieve bilang isang alagad ng sining at ang pinakahuling achievement niya ay nang mapanalunan niya ang Gold Camera Award para sa “Alaala: A Martial Law Special” na nagwagi sa docudrama category. Pinangunahan ni Alden ang ‘Alaala’ na inere para sa pag-alala sa 45th anniversary nang pagdedeklara ni dating Pangulong Marcos ng Martial Law. Ibinalik ang mga manonood sa nakaraan ng panahon ng batas militar sa pamamagitan ng Martial Law activist na si Bonifacio Ilagan na ginampanan ng buong husay ni Alden.

Hindi na matawaran ang narating ni Alden. Ngayon kahit saan siya magpunta ay hinahabol siya ng mga tumitiling fans. Pero nanatiling mapagpakumbaba si Alden kaya nandiyan lagi ang kanyang mga taga-suporta at lalo na ang kanyang mother studio, ang GMA Network na gumigiya sa kanya upang tiyakin na tama ang kanyang landas na tatahakin.