Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Cover Focus

Yassi Pressman: The Newest Primetime Leading Lady

Nagsimula ang kanyang career noong 2006 nang mapasama siya sa cast ng drama series ng ABS-CBN, ang “Gulong ng Palad” bilang ang batang Luisa at pagkatapos nito ay lumipat siya sa GMA 7 kung saan napasama siya bilang isa sa female dancers ng “SOP Fully Charged.” Nag-reformat ang “SOP Fully Charged” at naging “Party Pilipinas,” nakasama si Yassi sa “Party Pilipinas” sa isang segment nito na “Sayaw Pilipinas” ay nakasama niya si Mark Herras, Sef Cadayona, Rocco Nacino, Steven Silva, Mayton Eugenio, Diva Montelaba at Wynwyn Marquez. Sa husay niya sa pagsayaw ay binigyan siya ng titulo bilang “Princess of the Dance Floor.

Taong 2013 ay pumirma ng kontrata si Yassi sa Viva Entertainment at dito ay ginawa niya ang pelikulang “Diary ng Panget” bilang si Lorraine “Lory” Keet kasama sina James Reid at Nadine Lustre. Naging matagumpay ang pelikula kung kaya’t ito ay nasundan pa ng isa pang pelikula, ang “Talk Back and You’re Dead” kasama pa rin sina James at Nadine. Masasabing versatile si Yassi dahil bukod sa pagiging artista ay pwede rin siya sa dance floor at mahusay din siyang VJ kung saan naging VJ siya para sa “MTV Pinoy” at nakita siya sa “MTV Shoutout,” “MTV Halo Halo,” “MTV The OPM Show,” “MTV Senti,” at “Yandre’s Playlist.” Naging ka-love team niya si Andre Paras na kung saan ay napabalitang naging malapit sa puso ng dalaga.

Sa loob ng maraming taon sa bakuran ng dalawang TV networks, ang GMA 7 at TV5, ay naging masaya at nagpasalamat si Yassi sa magandang experience niya. Ang pagbabalik niya sa ABS-CBN ay nagpabulusok muli sa career ng dalaga.  “Happy naman po ako ngayon kung nasaan ako ngayon. Kasi marami namang naka-line-up na project sa akin ang ABS-CBN.”  Masaya din ang kaibigan niyang si James Reid dahil nasa bakuran na siya ng ABS. “Nag-usap kami, James said to me that he is proud of me and he also said that he is happy for me that I went for it.

Masaya rin siya nang nakalabas siya ng “PBB Lucky Season 7” ay may kasunod na agad na project sa kanya at kinokonsidera niyang malaki dahil mabibigat ang cast. Napasama siya sa primetime bida, “Ang Probinsyano,” kung saan siya ang leading lady ng hottest male star na si Coco Martin. May mga nagtatanong nga kung nahuhulog na ba ang loob niya sa makisig na binata. Agad namang nilinaw ni Yassi ang balita.

Gentleman naman talaga siya at sobrang mabait siya sa lahat sa amin sa set, maasikaso siya sa lahat sa amin sa set, mabuting tao talaga pero huwag na nating bigyan ng malisya,” ani Yassi. Sa ngayon ay masaya si Yassi dahil sa magagandang projects na ibinibigay sa kanya ng ABS-CBN. Pumirma na siya ng exclusive contract sa bakuran ng Kapamilya network at marami sa kanyang mga tagahanga ang natutuwa dahil magiging visible na muli ang kanilang iniidolo hindi lang sa telebisyon kundi pati na rin sa pelikula. Maganda ang naging resulta sa box office ng pelikulang ginawa niya sa Viva Films, ang “Camp Sawi” kung saan nakasama niya ang kapwa ABS-CBN talents na sina Arci Muñoz, Bela Padilla, Andi Eigenmann at Kim Molina.

As of press time, wala pa ring nakakaalam kung si Angel Locsin ba ang gaganap na Darna. Marami nang naglabasang articles kung sinu-sino ang mga artista pwedeng gumanap bilang si Narda/Darna. Siyempre hindi mawawala ang pangalan ni Angel, pagkatapos ay lumabas ang pangalan ni Jessy Mendiola at si Nadine Lustre at nariyan din si Liza Soberano. Ngayon ay si Yassi naman ang napapabalitang gaganap bilang superheroine na si Darna.

Sobrang laking honor. Kahit sabihin na even if I don’t get to play the role, kung isa ako sa mga iniisip nila na posible, eh sobrang nakakatuwa. Just the fact na naiisip nila na maging part ako or choice, thankful ako,” pag-amin ni Yassi.

So far ang biggest break ni Yassi ay ang kanyang pagkakasama sa “Ang Probinsyano” at inamin niyang marami siyang natutunan kay Coco dahil hindi diumano ito maramot sa pagtuturo sa tamang pag-atake sa bawat eksena.

Sa kasalukuyan ay masasabing busy at maraming proyekto. Bukod sa pagkakaroon ng regular television show ay in demand si Yassi sa mga out of town shows at product endorsements.
Bilang isang artista ay marunong tumanaw ng utang na loob si Yassi. Hindi niya nakakalimutang pasalamatan ang mga taong tumulong sa kanya at tumutulong pa rin hanggang sa kasalukuyan. Masaya siya at nakakasama niya ang mga beteranong tulad nina Susan Roces, Jaime Fabregas at Eddie Garcia dahil marami siyang natututuhan sa mga ito na nakakadagdag ng kanyang kaalaman upang mas mapabuti pa niya ang kanyang craft bilang artista. Knowing ABS CBN, halos lahat ng mga exclusive talents nila ay naging recording artist din kaya hindi malayong maging recording artist din si Yassi. Hindi naman mahirap dahil sa angking husay ng magandang dalaga ay malayo talaga ang mararating. Mabuhay ka Yassi!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *