Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Showbizz

“Titibo-tibo ” wagi bilang Best Song sa 2017 Himig Handog

Moira at composer na si Libertine Amistoso, panalo sa Himig Handog; “Wow Na Feelings” ni Karlo Zabala at inawit ni Janella Salvador, itinanghal na Global’s Choice For Favorite Song

Matapos ang ilang buwan ng pagaabang, napili ang masayang awitin na “Titibo-Tibo” mula sa composer na si Libertine Amistoso at na kinanta ni Moira dela Torre, bilang Best Song at grand winner sa pinakamalaking Philippine songwriting competition — ang Himig Handog 2017 — sa finals nito na ginanap sa “ASAP” noong November 26, 2017.

Tinalo ni Amistoso ang siyam na song grand finalists na napili mula sa halos 7,000 entries, at tinanggap niya ang pinaka-inaasam na P1 million cash prize para sa awitin tungkol sa isang boyish na babae na hindi inaasahan ay nahulog ang loob sa isang lalaki. Ang kaniyang masayang awitin ang nagsilbi bilang kanyang lucky charm. “Hindi siya iyong tulad ng iba na more on hugot, o sakit – itong song happy siya. Happy ending ang content niya,” kwento ng composer sa isang interview kamakailan.

Kinilala namang 2nd Best Song and makabagbag-damdamin na awitin ni Jona na “Sampu,” mula sa mga composer na sina Raizo Chabeldin at Biv de Vera, habang ang “Extensyon” ni Inigo Pascual kasama si Aikee, na mula sa isinulat ni Michael “Aikee” Aplacador ang itinanghal na 3rd Best Song.

Ang “Wow Na Feelings” na isinulat ni Karlo Zabala at inawit ni Janella Salvador ay kinilala namang 4th Best Song pati na rin bilang TFC’s Global Choice for Favorite Song. Panalo ang awitin base sa online votes mula sa overseas Filipinos.

Napili naman ang “Tanghaling Tapat” na inawit ng Unit 406 at isinulat ng lead singer nito na si Gabriel Tagadtad bilang 5th Best Song.

Tumanggap ng P500,000 ang kompositor ng 2nd Best Song, habang ang composers naman ng 3rd, 4th, at 5th Best Songs ay nagwagi ng P200,000, P150,000, at P100,000.

Tatlong special awards naman ang tinanggap ng “Tayo Na Lang Kasi” na kinanta nina Jason Dy at Kyla at isinulat ni Soc Villanueva. Kasama dito ang MOR’s Choice, One Music PH’s Choice for Favorite Interpreter, at MYX Choice for Best Music Video. Ang Meridian International College, isa sa sampung school participants, ang gumawa ng “Tayo Na Lang Kasi” official music video.

Ang Star Music Listeners Choice special award ay iginawad naman sa “The Labo Song” mula sa mga composer na sina Karl Gaurano at Teodoro Katigbak at kinanta ng acoustic soul artist na si Kaye Cal.

Bukod sa mga nabanggit, kabilang din sa mga finalists ng nasabing kompetisyon ang “Bagyo” ni Agatha Morallos na inawit ni Jake Zyrus, “Bes” mula kay Eric De Leon na kinanta ni Migz Haleco, at “Naririnig Mo Ba?” ng composers nito na sina LJ Manzano at Joan Da at inawit ni Morissette.

Nasa ikawalong taon na ngayon ang “Himig Handog” na pinangungunahan ng ABS-CBN at Star Music. Nagsimula ito noong early 2000s at binuhay muli noong taong 2013. Marami sa mga awiting naging bahagi ng patimpalak ang sumikat at napili pang theme songs ng ilan sa mga programa sa telebisyon at mga pelikula. Ang ilan sa mga nakaraang songwriters at interpreters ay unti-unti nang lumilikha ng kanilang marka sa larangan ng OPM.

Puwedeng i-download ang mga awitin sa mga digital stores worldwide. Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang Starmusic.ph o sundan ito sa Facebook.com/starrecordsphil, Twitter.com/starrecordsph at Instagram.com/Starmusicph.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *