You are here
Home > Wholesome > Mga Popular na Kostumbre ng mga Pilipino Tuwing Kapaskuhan

Mga Popular na Kostumbre ng mga Pilipino Tuwing Kapaskuhan

Tuwing sumasapit ang panahon ng Kapaskuhan ay mararamdaman ang kakaibang kasiyahan hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Ang kasiyahang hindi lamang sa mga bata kundi pati sa matatanda. Ang Pasko ay ipinagdiriwang sa iba’t ibang paraan. Sa bawat panig ng mundo ay may kani-kaniyang kostumbre o nakaugalian kung paano iselebra ang Pasko.

Sa mga Pinoy, ang mga kaugaliang ito ay hindi namamatay dahil namana nila ito sa mula sa kanilang ninuno.

1. Parol

Ang mga Pilipino ay likas na malikhain. Kaya nilang gumawa ng iba’t ibang dekorasyon kahit ito ay nagmula sa recycle o retaso. Isa sa mga nakagisnang dekorasyon tuwing Kapaskuhan ay ang parol. Hindi kumpleto ang labas ng tahanan sa panahon ng Kapaskuhan kung walang parol na nakasabit at pagsapit ng gabi ay nagbibigay liwanag dahil sa taglay nitong ilaw. Ang parol ay isa sa simbulo ng Paskong Pilipino. Makikita mo ito sa iba’t ibang gusali bilang simbulo ng pakikiisa sa pagdiriwang ng Kapaskuhan.

Sa mga makabagong panahon, makakakita tayo ng parol na mula sa iba’t ibang disenyo, hugis, laki at gawa mula sa iba’t ibang materyal. Ang tradisyunal na parol ay gawa sa kawayan, makukulay na papel na ginupit sa hugis na estrelya. Kandila o lampara ang nagbibigay ilaw dito.

2. Belen

Ang belen tulad ng parol ay isa sa mga popular na dekorasyon tuwing Pakso. Ipinapaliwanag ng Belen ang kahalagahan ng isang buong pamilya sa panahon ng Kapaskuhan.

Photo by Annabelle Gutierrez (flickr)

3. Christmas Caroling

Sabi nga ng lahat, ang Pasko ay para sa mga bata. Sa lahat ng selebrasyon, ang Pasko, pangalawa sa kanilang kaarawan, ang hininintay ng mga kabataan. Marami kang makikitang mga bata na grupo-grupong nagbabahay-bahay at umaawit ng masiglang awiting Pamasko gamit ang kanilang instrumento na gawa sa tansan, tambol o torotot na makakapagbigay ng tunog sa kanilang awitin. May mga teenager na grupo-grupo ding umaawit kasabay ng gitara na lumilibot sa iba’t ibang lugar upang magbigay sigla at saya na sinusuklian ng mga bahay na kanilang inaawitan ng kaunting halaga para makapagbigay ligaya rin sa mga ‘carolers’.

4. Monito Monita

Likas sa Pilipino ang pagiging mapagbigay sa panahon ng Pasko. Sa opisina, eskuwela at lalo na sa bahay. Tinatawag nila itong exchange gift o monito monita. Kahalintulad ng Kris Kringle na ang bawat isa ay may kani-kaniyang sikretong Santa Claus na nagbibigay sa kanila ng regalo.

Photo by Ronald Estrada (flickr)

5. Panunuluyan

Ito ay isang kaugalian ng Pilipino na inoobserba sa iba’t ibang lalawigan ng Pilipinas. May kahalintulad ito sa Mexican Posadas kung saan ipinapakita ang paglalakbay nina Jose at Maria upang makahanap ng masisilungan sa panahon ng panganganak ni Maria kay Hesus. Ito ay isang palabas na ginagawa sa bisperas ng Pasko.

Photo by NCCA Official (flickr)

6. Noche Buena

Ito ang isa sa mga hinihintay ng mga Pinoy lalo na ang mga bata. Ang mga ginang ng tahanan kasama ang ilang kadalagahan ay nagtutulung-tulong upang makapaghanda ng isang engrandeng hapunan para sa pamilya. Makikita sa hapag kainan ang masaganang pagkain na makikita lamang sa tuwing Kapaskuhan. Ito ay ang hamon, keso de bola, kakanin at iba pa. Ito ay ginaganap pagpitada ng 12 ng hatinggabi, pagkatapos ng misa. Dito ipinapakita ang pagselebra kasama ang buong pamilya at sabay-sabay na pinagsasaluhan ang masaganang hapunan at masayang pagsalubong sa Kapaskuhan.

7. Aguinaldo

Sa araw mismo ng Pasko, makikita ang mga batang dumadalaw sa kanilang mga ninong at ninang, kamag-anak, lolo at lola, suot ang magara nilang pamasko. Karaniwan na sa Pinoy ang bumisita sa mga kamag-anak tuwing Pasko. At bilang isa sa matandang kaugalian, nagmamano ang mga bata sa matatanda at ang matatanda ay may nakahandang regalo, tulad ng pera, gamit, laruan o pagkain. Ang mga regalong ito ay tinatawag na aguinaldo.

Ang Pasko ay isang selebrasyon na laging hinihintay ng mga tao saang panig ng mundo. Para sa mga Pilipino, kahit saan ka man, hindi mawawala ang nakagisnang tradisyon sa tuwing sasapit ang Kapaskuhan. Ang tradisyong hindi kailanman maiaalis sa bawat Pilipino kahit saan man parte ng mundo sila naroon. Ito ang nakagisnan at ipagpapatuloy ng susunod na henerasyon ng bawat pamilyang Pilipino.

Leave a Reply

Top
%d bloggers like this: