Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Showbizz

“Finally Found Someone” at “Kita Kita” mapapanood na sa TFC

Humanda nang tumawa at muling umibig ngayong September dahil sa romantic-comedy films na “Finally Found Someone” at “Kita Kita”, na mapanood via Kapamilya Box Office (KBO) sa TFC online (www.TFC.tv) at TFC IPTV simula ngayong September sa key countries worldwide.

Isa sa mga mapapanood na pelikula sa KBO sa TFC ngayong September ang reunion project ng mega blockbuster tandem nina Sarah Geronimo at John Lloyd Cruz na “Finally Found Someone”, sa ilalim ng direksyon ni Theodore Boborol at na may kuwentong nilikha at isinulat nina Carmi Raymundo at Gilliann Ebreo

Apat na taon na ang lumipas nang huling nagkasama sina Geronimo at Cruz noong 2013 sa pelikulang “It Takes A Man and A Woman”, na bahagi ng trilogy na nagsimula sa “A Very Special Love” at sinundan ng “You Changed My Life”, na parehong isinulat ni Raymundo at mula sa Star Cinema.

Para sa kanilang pagbabalik-tambalan, bibigyan buhay nila ang mga karakter nina April at Raffy na mapapabilang sa isang bagong kuwento, at kaiba sa kanilang mga karakter noon bilang sina Laida at Miggy.

Iikot ang kuwento ng “Finally Found Someone” sa hindi inaasahang pagmamahalan nina Raffy Sandoval (Cruz), isang PR hotshot, at ni April Esguerra (Geronimo), isang pre-school teacher na hirap itago ang kaniyang tunay na nararamdaman. Magtatagpo ang kanilang landas matapos ibigay kay Raffy ang PR crisis kung saan may kinalaman si April.

Bagama’t magkaiba ang kanilang personalidad, mas makikilala nila ang isa’t isa at malalamang marami silang pagkakapareho sa mga panahong madalas silang magkasama,dahilan upang unti-unting mahulog ang loob nila sa isa’t isa.

Kasama rin sa “Finally Found Someone” sina Joey Marquez, Yayo Aguila, Tetchie Agbayani, Dennis Padilla, Leo Rialp, Alwyn Uytingco, Alexa Ilacad, Christian Babbles, Joj Agpangan, Milo Elmido Jr., Justin Cuyugan, Ruby Ruiz, PJ Endrinal, Lemuel Pelayo, Cara Eriguel, Neggy, Axel Torres, at April Matienzo, with special participation ni Enchong Dee.

Samantala, ang independent film naman na “Kita Kita”, ay pinagbibidahan ng “unconventional loveteam” nina Alessandra de Rossi at Empoy Marquez, na mula sa Spring Films. Ang pelikula na isinulat at idinerehe ni Sigrid Andrea Bernardo ay naka-sentro sa kuwento nina Lea (de Rossi) at Tonyo (Marquez).

Ang “Kita Kita” ay tungkol sa kuwento nina Lea at Tonyo, dalawang Pilipino na naninirahan sa Japan. Magtatagpo ang kanilang landas nang hilingin ni Tonyo na ilibot siya ni Lea sa Japan. May tinatawag na temporary blindness si Lea na nakuha niya matapos malaman na pinagtataksilan siya ng kaniyang fiancé.

Hindi inaasahan ni Lea na habang mas madalas niyang nakakasama si Tonyo, mas lalong mahuhulog ang loob ng una sa huli, kahit pa hindi niya pa nakikita ang guide. Ngayong nakalimot na si Lea at nagbalik na ang kaniyang paningin, mayroon kayang pag-asa ang nagsisimula nilang pag-iibigan ni Tonyo o matatapos ito nang hindi nila inaasahan?

Pumatok sa takilya ang pelikulang ito na kinunan pa sa Sapporo, sa Hokkaido, Japan na panlimang pinakamalaking siyudad sa nasabing bansa. Popular ang siyudad na ito dahil sa mga produktong beer at skiing spots, na talagang patok sa mga turista at maging sa mga taga roon.

Ang dalawang kuwento ng mga pelikulang mapapanood sa Kapamilya Box Office sa TFC ngayong September 20 ang pupukaw sa mga damdamin dahil sa mga kuwento at sa dalawang tambalan. Sa huli, iisa ang kanilang mensahe – ang pag-ibig ay dumarating at nararamdaman sa hindi inaasahang panahon at katauhan.

Kiligin, tumawa, at muling umibig sa kuwento at mga karakter ng mga pelikulang “Finally Found Someone” at “Kita Kita”, na mapapanood via KBO sa TFC online (www.TFC.tv) at TFC IPTV. Ang “Kita Kita” at “Finally Found Someone” ay mapapanood na ngayong September.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *