Home > Cover Focus > Arnel Pineda: The Golden Boy and His Journey to the Top

Arnel Pineda: The Golden Boy and His Journey to the Top

Bago pa marating ni Arnel Pineda ang rurok ng tagumpay ay hindi naging madali ang kanyang mga pinagdaanan. Isa siya sa maituturing na alagad ng sining na masasabi nating may tunay na pagmamahal sa pinasok niyang mundo. Sa murang edad pa lamang ay inililok na ng kanyang ina ang pagmamahal sa musika. Isinali siya sa iba’t ibang singing contests na napapanalunan naman niya. Ang perang kanyang inuuwi ay nakakatulong sa hikahos nilang buhay at pagpapagamot sa kanyang ina na may karamdaman. Nagupo ng sakit ang kanyang ina at ito ay pumanaw nang si Arnel ay 13 gulang pa lamang. Dumating sa puntong kailangan na nilang lisanin ang kanilang tirahan at pati sila ng kanyang mga kapatid ay kailangang magkahiwa-hiwalay upang ipaalaga sa mga kamag-anak dahil sa kakapusan. Upang makatulong sa ama ay tumigil si Arnel sa pag-aaral at nagsimulang maghanap-buhay.

Ang kawalan ng tirahan ang nagtaboy sa kanya upang matulog sa kalye. Nag diyaryo-bote siya, naghahanap ng mga lumang bakal upang ibenta sa junkyard at maski ang paglilinis ng scrap metal ay kanyang ginawa upang mabuhay at kumita ng pera. Ang konting kita niya ay ibinibili niya ng biskwit na pinagkakasya niya sa loob ng dalawang araw.

Kaya masasabi nating si Arnel ay isang magandang ehemplo ng isang talentong nagsimula sa ibaba at nakarating sa itaas dahil sa sariling sikap at pagpupunyagi.

Sa edad na 15 ay nag-umpisang gamitin ni Arnel ang talento sa pag-awit. Nakasama na siya sa grupong ljos na tumutugtog sa Shakey’s sa Maynila. Pagkatapos nito ay itinayo ng kasamahan niya ang grupong AMO kung saan ay sumasali sila sa iba’t ibang contests ng mga rock band at una na rito ang Rock Wars contest sa Pilipinas.

Hindi dito tumigil ang grupo dahil tuloy pa rin ang pagsali nila sa iba’t ibang contests hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa. Taong 1990 nang magtayo ng bagong grupo sina Arnel, ang Intensity Five at muli silang sumali sa mga band contests at dito nakuha ni Arnel ang Best Vocalist award at ang grupo ang naging first runner-up.

Pagkatapos nito ay nagkahiwalay na sila ng ilang miyembro nito na nagtayo muli ng ibang grupo na hindi na kasama si Arnel kung kaya’t si Arnel at ang mga natirang kasamahan ay nagtayo rin ng grupo na tinawag nilang New Age.

Hindi sa Pilipinas naka-base ang grupo kundi sa Hong Kong. Nagtagal sila doon hanggang sa hindi inaasahan ay kailangan ni Arnel na bumalik sa Pilipinas na muntik nang ikasira ng kanyang boses. Subalit dahil sa determinasyon at pagmamahal sa kanyang sining ay nagpagaling siya at bumalik sa kanyang grupo.

Taong 1999 nang matawag ni Arnel ang pansin ng ilang record executives ng Warner Bros. at siya ay lumipad pabalik sa Pilipinas upang mag-record ng solo album. Taong 2001 nang siya ay bumuo muli ng bagong banda na tinawag niyang 9mm.

Ang direktor na si Bert De Leon ang naghimok kay Arnel na bumalik sa Pilipinas upang buuin ang kanyang bagong grupo na pinangalanan niyang The Zoo. Ang grupong The Zoo ay nag-perform sa iba’t ibang lugar at karamihan sa kanilang repertoire ay mga awitin ng mga kilalang grupo tulad ng Journey, Survivor, Aerosmith, Led Zeppelin, Air Supply, Eagles, Kenny Loggins, Stryper at iba pang sikat na grupo. Ang kanilang mga performances ay inilalagay ng kanyang kasama sa grupo sa YOUTUBE. Sa swerte ay napansin ni Neal Schon ng Journey ang naturang performance at kinontak nito si Noel Gomez na matalik na kaibigan ni Arnel na siyang nag-upload ng mga videos. Ibinigay nito kung saan mako-contact si Arnel and the rest is history. August 2007 nang lumipad patungong San Francisco si Arnel at ang manager niyang si Bert De Leon para sa two-day audition na para kay Arnel ay isang tensiyonado at nakaka-nerbiyos na audition. Sobrang starstruck ay halos hindi siya makapgsalita sa sobrang excitement lalo na nang i-announce ng grupo na siya na ang bagong lead singer ng grupong Journey na maging ang CNN ay nag-anunsyo sa isa nilang news segment.

Nagsimula si Arnel bilang lead singer ng grupong Journey noong 2008 nang sila ay mag-perform sa Viña del Mar International Song Festival na ginanap sa Chile. Dito umani ng magagandang reaksiyon si Arnel na pati ang kanyang kasamahan sa banda ay humanga rin sa taas ng kanyang boses. Bumalik sila sa Amerika at nag-perform ang grupo sa iba’t ibang lugar sa U.S. Isa sa hindi malilimutang experience ay noong Pebrero 2009, nang sila ay mag-perform sa Super Bowl XLIII pregame show.

Malayo na nga ang narating ni Arnel kasama ang grupo. Ang kauna-unahang album na ginawa ni Arnel kasama ang grupo ay ang Revelation taong 2008 na nag-debut sa No. 5 spot sa Billboard Top 200 album at nanatiling nasa top 20 sa loob ng anim na linggo. Naging certified gold ito sa loob lamang ng ilang araw at kalaunan ay na-achieved ng album na Revelation ang platinum status noong Oktubre 2009. Nagkaroon din sila ng world tour hudyat sa paglabas ng Revelation album at ang pagpapakilala nila kay Arnel bilang pinakabagong frontman ng grupong Journey.

Maging ang kanyang mga kasamahan ay hanga sa dedikasyon ni Arnel sa pag-awit. Walang reklamo, mabait at mapagpakumbaba. Buong pagmamalaking nabanggit ni Neal Schon sa isang interview, “We feel reborn. I think there’s a lot of chemistry among the five of us. At first we were going to go into the studio and just write 4 songs, but now it’s escalated to a lot of great new and diverse material. The stuff sounds tremendous. Everyone’s so stoked about it. We feel very fortunate to have found Arnel.

Ang taong 2017 ay memorable para kay Arnel dahil ito ang naghuhudyat ng kanyang ika-50 taon sa mundo. Siyang tunay, golden boy na si Arnel at patuloy pa rin siyang nagbibigay-kasiyahan sa kanyang libu-libong tagahanga. Ang pagdiriwang ni Arnel ay hindi simpleng selebrasyon kasama ang pamilya. Naghandog ng special concert si Arnel bilang pasasalamat na rin sa pagtangkilik ng kanyang mga masugid na tagahanga. Aktibo pa rin si Arnel sa telebisyon, corporate shows at concerts sa iba’t ibang lugar hindi lamang sa Pilipinas kundi sa ibang bansa.

At sa kanyang golden year, hindi inaasahan ni Arnel na matutupad ang isa sa kanyang hinihiling. Ang makadaupang palad nang harapan ang kanyang idolo na si Steve Perry, ang orihinal na vocalist ng Journey. Ito ay naganap noong 2017 Rock & Roll Hall of Fame sa New York.

“One of the sweetest hug you can ever get from one of my heroes and silent mentors,” pag-amin ni Pineda. “It means the world to me. Waited 35 years for this moment. Thank you Almighty God!”

Ipinaramdam ni Arnel ang kanyang pasasalamat kay Perry dahil sa suportang ibinigay nito bilang bagong bokalista ng Journey. Sa acceptance speech naman ni Perry noong gabing iyon sa 2017 Rock & Roll Hall of Fame night, nagpasalamat din si Perry kay Arnel, “I must give a complete shoutout to someone who sings his heart out every night, and it’s Arnel Pineda. Where are you, Arnel? Arnel, I love you.”

Isa sa mga concerts na gagawin ni Arnel bilang parte pa rin ng kanyang masasabing golden year celebration ay gaganapin sa Hitotsubashi Hall (Jimbo-cho) sa Oktubre 22. Ang concert na ito ay handog ni Arnel para sa kanyang mga masusugid na tagahanga na walang sawang tumatangkilik sa kanyang mga awitin. Kazna bilang organizer at producer at sina Nancy Matsunaga, NELTOMO, TRIBE (graphic design), Connie Ochoco, Jay Dixon, Yuri Saito, Elizabeth Iinuma, Bella Yoshioka, Lorna Kusakari, Vilma Shimamoto bilang co-producers na naturang concert. Siguradong jam packed ang venue dahil hindi nagsasawa ang mga tagahanga sa pakikinig sa kakaibang performance ni Arnel at syempre ang kanyang very powerful voice kaya naman nanatili siyang frontman ng Journey. Sa concert na ito ay muling ipaparinig ni Arnel ang mga awiting pinasikat ng grupong Journey at mga awitin mula sa kanyang album.

Tulad ni Charice Pempengco, isa si Arnel sa mga internet sensations na natuklasan dahil sa kakaiba nilang talento. Ang dedikasyon at pagmamahal sa musika ang siya niyang naging hagdan upang marating ang rurok ng tagumpay. Mabuhay ka, Arnel!

Leave a Reply

%d bloggers like this: