Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Community Watch

Xian Lim at KZ Tandingan ibinida ang diversity ng musika at talentong Pinoy sa Philippine Festival 2017

Xian Lim hindi malilimutan ang unang performance sa Japan; KZ Tandingan nakipagkulitan sa mga Pinoy fans sa tinaguriang pinakaaabangang Filipino fest sa Japan

Iba’t-ibang klaseng saya ang dala nina Xian Lim at KZ Tandingan sa mga kababayan sa Japan sa katatapos lamang na Philippine Festival 2017 noong September 30 at October 1, kung saan nagtanghal ang dalawa sa TFC Hour na naganap noong October 1 sa Hibiya Park Chuo Ku Event Square sa Tokyo.

Ang pagdalo ng dalawang ABS-CBN artists ay bahagi ng pakikiisa ng The Filipino Channel sa taunang Philippine Festival 2017, na binansagang pinakamalaking pagtitipon ng mga Pilipino sa Japan.

Una nang inilunsad ang Philippine Festival noong 2012 ng Philippine Festival Organizing Committee, sa suporta ng Philippine Embassy sa Japan, tugon sa layuning magkatipon-tipon ang mga Pilipino sa isang selebrasyon kung saan maibibida at maipapakikilala sa ibang nasyon ang kultura ng mga Pilipino.

Pahayag ni Eric Santos, ABS-CBN Global transient segment head for Asia Pacific region: “Nais namin sa TFC na sa pamamagitan ng pagtatanghal ng mga Pinoy artists tulad nina Xian Lim at KZ Tandingan, na mas maramdaman ng mga Pilipino sa Japan na ang Philippine Festival 2017 ay selebrasyon ng mayamang kultura ng Pilipinas at isang paraan na mapalapit ang bansa sa puso ng mga Pilipino sa Japan”.

Unang nagtanghal sa Lim nang ibida niya ang kaniyang talento sa musika hindi lamang sa pag-awit kung hindi maging sa pagtugtog ng iba’t ibang instrumento. Una niyang ipinakita ang mga talentong ito sa kaniyang “Songs in the Key of X” concert noong July sa Manila.

Malakas na hiyawan ang sumalubong kay Lim nang magsimula siyang magtanghal para sa TFC Hour sa Philippine Festival, kung saan inaawit niya ang OPM classic hit na “Mahal na Mahal”, na pinasikat ng OPM singer na si Archie D.

Tuwang-tuwa naman si Lim sa mainit na pagtanggap sa kaniya ng mga manonood, lalo na at ito ang unang pagkakataon na siya ay nagtanghal sa Japan. Inialay niya sa mga manonood ang kantang “Harana” na original hit ng OPM band na Parokya Ni Edgar. Marami ang kinilig nang imbitahan niya sa entablado ang isang binibini para kaniyang haranahin, na niyakap niya pa sa kalagitnaan ng pagtatanghal.

Limang masusuwerteng babaeng audiences naman ang nakasama ni Lim sa “Dating Game”. Bawat isa sa mga kalahok ay umarte na tila nasa isang romantic date sila kasama si Lim. Tinanghal na panalo ang kalahok na nakakuha nang pinakamalakas na palakpakan mula sa mga manonood at nag-uwi pa ito ng limited edition TFC jacket.

Patuloy naman na hinarana ng multi-talented leading man ang mga manonood sa saliw ng mga classic hits tulad ng “Getting to Know Each Other” ng international artist na si Gerard Kenny, “Hanggang Kailan” ni Wency Cornejo, at “Nandito Ako” ni singer-songwriter Ogie Alcasid.

Samantala, ang isa pang inabangan ng mga manonood ay si KZ Tandingan, na unang hinangaan nang siya ay sumali at magwagi sa ABS-CBN talent search show na “X Factor Philippines”. Mula noon ay patuloy na ipinapamalas ni Tandingan ang husay niya sa pag-awit at pag-compose ng mga kanta, kung kaya isa siya ngayon sa mga sought-after performers sa Pilipinas.

Mainit ang naging pagtanggap din kay Tandingan nang lumabas siya sa entablado habang kinakanta ang hit single na “Royals” ng international artist na si Lorde.

Matapos ang kaniyang opening number, napansin ni Tandingan ang kaniyang larawan sa poster ng event. Biro niya: “Malayo na po itsura ko diyan sa poster. May Star Magic Ball po kasi kagabi, kailangan medyo maayos ako kaya nakalas na iyong dreadlocks ko”, isang sambit na nagpatawa sa mga manonood.

Hindi napigilan ng marami na sumabay sa pagkanta ng tinaguriang Soul Supreme nang i-mash-up niya ang ilan sa mga sikat na kanta ng OPM band na Eraserheads tulad ng “Alapaap”, “Pare Ko”, “Overdrive”, at “Ang Huling El Bimbo”.

Nag-umapaw naman ang emosyon mula sa mga manonood nang kantahin na ni Tandingan ang kaniyang bersyon ng kantang “Two Less Lonely People in the World”, at nang ipakanta niya sa kanila ang ilang verse ng mga awiting “Maybe This Time” at “Forevermore”.

Nagtapos ang pagtatanghal ng dalawang Kapamilya artists nang sabay silang magpasalamat sa mga manonood na nakisaya at nakibahagi sa kanilang pagtatanghal. Kasunod nito ay nagpaunlak sila ng photo opportunity kasama ang ilang masusuwerteng dumalo sa event.

Mayroon din inihandang mga aktibidad ang TFC sa kanilang booth para sa lahat ng dumalo sa selebrasyon. Ang ilan ay nakapag-uwi ng limited edition TFC merchandise. Ang ilan ay nagpakuha ng litrato sa photo booth ng programang “Widflower”, na pinagbibidahan nina Maja Salvador, Aiko Melendez, Tirso Cruz III, Joseph Marco, RK Bagatsing, at Vin Abrenica.

Naghanda rin ang Philippine Festival Organizing Committee ng iba’t ibang aktibidades sa dalawang araw ng selebrasyon, tulad ng Parade of Festivals kung saan natunghayan ang mga sikat na kapistahan sa Pilipinas. Mayroon ding ginanap na Philippine Festival Queen 2017 pageant kung saan nagning-ning ang ganda ng mga Pilipina suot ang tradisyonal na Filipino costumes ng iba’t ibang probinsiya.

Malayo man sa kinalakhang bansa, masaya ang mga Pilipino sa Japan na naipagdiwang pa rin nila ang mga iba’t ibang kapistahan sa Pilipinas, na kanila ring naipagmalaki sa mga taga-ibang nasyon na nakiisa sa dalawang araw ng selebrasyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *