Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Showbizz

Napapanahong issues tinatalakay sa 2nd season ng top-rating series na “FPJ’s Ang Probinsyano”

Patuloy na tinatalakay ng ABS-CBN hit TV series na “FPJ’s Ang Probinsyano” ang mga napapanahong pangyayari sa buhay ng mga Pilipino sa pagbubukas ng ikalawang yugto nito. Pinagbibidahan ng King of Philippine Primetime Television Coco Martin, tuluy-tuloy ang panonood dito ng mga kababayan sa Pilipinas via ABS-CBN, at sa labas ng bansa via TFC sa key countries worldwide.

Matindi ang mga emosyong naramdaman sa mga pangyayari sa pagtatapos ng unang yugto ng programa. Una na riyan ang pinag-usapang kasalan nina Cardo (Martin) at Alyanna (Yassi Pressman). Ang masayang okasyon na ito ay sinundan ng paghaharap nina Cardo at Joaquin (Arjo Atayde), na nagwakas sa pagpanaw ni Joaquin at pagkamit ni Cardo nang inaasam-asam na paghihiganti para sa pagkamatay ng kapatid na si Ador (Martin).

Patuloy na namayagpag ang “FPJ’s Ang Probinsyano” noong Mayo, ang huling buwan ng unang yugto ng programa, kung saan nanguna ito sa mga most-watched regularly airing shows sa Pilipinas matapos makakuha ng 38.2% national TV ratings, ayon sa datos ng Kantar Media Television Audience Measurement (TAM), isang local viewership measurement company.

Isa rin ang “FPJ’s Ang Probinsyano” sa mga top-rating shows ng ABS-CBN sa dalawang taon na pag-ere nito, kung saan nakakuha pa ito ng all-time high rating share na 46.7% para sa February 2, 2016 episode, at nanguna sa most-watched regularly airing shows sa bansa para sa taong 2016 matapos makakuha ng 40% ratings share, batay sa datos mula sa local viewership measurement company Kantar Media Television Audience Measurement (TAM). Patuloy din itong bahagi ng listahan ng shows na may highest views o hits sa TFC online (www.TFC.tv).

Ngayong nagsimula na ang bagong yugto ng “FPJ’s Ang Probinsyano,” makikita si Cardo na mayroong ordinaryong buhay kasama si Alyanna, ang anak nilang si Ricky Boy, Lola Flora (Susan Roces), at ang iba pang miyembro ng kanilang pamilya. Dalawang taon na siyang wala sa serbisyo bilang pulis at kontento na sa pagiging jeepney driver, habang si Alyanna ay balik-trabaho na bilang reporter.

Subalit, ang kanilang payapang pamumuhay ay gagambalain ng mga rebeldeng nangugulo sa Maynila, ang isa sa mga balitang sinusundan ni Alyanna, at siyang dahilan nang madalas na pag-aalala ni Cardo.

Mayroong mga bagong miyembro ng cast na ipinakilala sa pagbubukas ng ikalawang yugto ng programa, tulad nina Lito Lapid, Jhong Hilario,Yam Concepcion, Mercedes Cabral, at Mark Lapid na kabilang sa mga rebelde. Nandyan din ang mga miyembro naman ng national defense na gagampanan nina Angel Aquino, Sid Lucero, at John Arcilla.

Bagong mga karakter din ang makikilala at makakasalamuha ng pamilya ni Cardo na gagampanan nina Pokwang, Mitch Valdez, Jeff Tam, at PJ Endrinal.

Samantala, bahagi pa rin ng cast sina Eddie Garcia, Jaime Fabrigas, Michael De Mesa, Julio Diaz, Jeric Raval, Jason Gainza, John Prats, Long Mejia, Malou Crisologo, Marvin Yap, Mark Solis, John Medina, Lester Yansang, Michael Joy Jornales at ang mga child stars na sina James Sagarino, Rhian Lorraine Pineda, Shantel Ngujo at Awra Briguela.

Ano kaya ang gagawin ni Cardo ngayong patuloy na nangugulo ang mga rebelde, habang nag-aabang nang tamang pagkakataon si Don Emilio (Garcia) upang ipaghiganti ang pagkamatay ng kaniyang apo na si Joaquin? Magawa kayang protektahan ni Cardo ang kaniyang pamilya mula sa kapahamakan kahit pa hindi na siya pulis?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *