Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Cover Focus

Kylie Padilla: This Sang’gre is in Love

Kylie Padilla 2 photo courtesy by GMA 7

Kapag Padilla, ang unang iisipin ay aksyon. Mula kay Pempe Padilla hanggang kay Robin ay hahanap-hanapin ng mga tagahanga ang maaaksyong eksena sa bawat pelikula na kanilang ginagawa. Sila ay may sarili ng pwesto sa showbiz bilang angkan ng mga action stars.

Sa kasalukuyang henerasyon ng mga Padilla, lumutang ang pangalan ni Daniel Padilla na anak ni Rommel at si Kylie Padilla na anak naman ni Robin na unang ipinakilala ng GMA 7 sa mga roles na pang-drama at ngayon ay hinahangaan ng marami sa kanyang mahusay na pagganap bilang Reyna ng Lireo sa action-fantaserye ng GMA 7 na “Encantadia.” Ang naturang serye ay remake ng orihinal na Encantadia na kinagiliwan ng mga manonood noong 2005. At dahil na rin sa kahilingan ng marami ay ibinalik ito muli sa telebisyon. Habang iniisip ang konsepto nito ay nag-audition sila ng mga talents ng GMA at isa si Kylie sa mapalad na nakuha dahil sa kanyang likas na angking husay sa martial arts na kailangan sa naturang serye. Si Kylie ay isang Muay Thai practitioner at ito ay nagamit niya sa naturang serye.

Kylie Padilla 4 photo courtesy by GMA 7Na-domina ng Encantadia ang TV ratings simula nang ito ay umere sa telebisyon. Ang teleserye ay kumpletos recados dahil sa bukod sa aksyon at may kilig din na hatid dahil sa love story nina Ybrahim (Ruru Madrid) at Alena (Gabbi Garcia) sa umpisa at di naglaon ay naging sina Ybrahim at Amihan at si Danaya (Sanya Lopez) at Aquil (Rocco Nacino).

Masayang-masaya si Kylie dahil kinokonsidera niya ang Encantadia ang nagbigay sa kanya ng break upang mas makilala sa showbiz. Kahit dati na siyang lumalabas sa mga teleserye ng GMA 7 ay dito nahuli ang kiliti ng mga tagahanga kung saan at ano ang bagay na role para kay Kylie.

Masalimuot ang love life ni Kylie noong mga panahong siya ay ipinakikilala pa lamang sa showbiz. Naging overprotective ang kanyang amang si Robin dahil alam nito ang kalakaran sa showbiz kung kaya’t walang patid ang paalala niya sa dalaga na piliin mabuti ang mga manliligaw at huwag maging padalus-dalos dahil siya ay bata pa naman. Sinunod ni Kylie ang payo ng ama subalit hindi yata talaga mapipigilan ang tawag ng pag-ibig. Hindi talaga maiiwasan na walang lumigaw kay Kylie dahil makatawag-pansin ang ganda ng Pinay-Australian.

Taong 2012 nang unang nagkita sina Aljur Abrenica at Robin at nagpahayag ito ng kanyang magandang hangarin para kay Kylie at balak niya itong ligawan at seryoso siya sa kanyang intensyon sa dalaga. May tumutol at may umayon sa lumabas na balita subalit wala naman makakapigil sa tawag ng pag-ibig. Naging magkasintahan sina Kylie at Aljur. Habang patuloy sila sa kani-kanilang mga responsibilidad bilang contract artist ng GMA 7 ay nag-uumpisa na rin mag-plano si Aljur. Ipinakita pa niya kay Kylie ang bagong biling bahay.

Sa mga unang buwan ng kanilang relasyon ay naging maayos naman subalit hindi lahat ng relasyon, lalo na’t kapag ang dalawang nagmamahalan ay involve sa showbiz, ay magiging “bed of roses.” May ups and downs, ika nga. Naging tahimik lamang ang dalawa at ipinagpatuloy ang kanilang relasyon subalit ang hindi talaga maiiwasan ay ang mga naglalabasang balita na naging on the rocks ang kanilang relasyon dahil na rin siguro sa mga pressure ng kanilang trabaho at mga taong involve rito.

Kylie Padilla 8 photo courtesy by GMA 7Taong 2014 nang si Kylie mismo ang nagkumpirmang hiwalay na sila ni Aljur dahil diumano sa “third party” na nakaapekto nang husto kay Aljur. May balita pa ngang si Geoff Eigenmann ang dahilan nang paghihiwalay ng magkasintahan. Walang nagsalita ng tunay na dahilan sa nangyaring paghihiwalay. Marami sa mga tagahanga nila ang nalungkot subalit mayroon din namang sang-ayon dahil anila, balakid ang pagkakaroon ng karelasyon lalo pa’t parehong nasa showbiz dahil magkakaroon lamang ng conflict at selosan na nangyari na nga.

Pagkatapos ng break up ay nag-move on ang dalawa at napabalitang may idine-date na bago si Aljur, ang kanyang naging kapareha sa telefantasya “Kambal Sirena.” Samantala, si Kylie man ay nakapag-move on na rin sa pamamagitan ng isang non-showbiz guy na si Matt Henares. Hindi rin nagtagal ang relasyon nina Kylie at Matt dahil na rin siguro sa time nila para sa isa’t isa at distance na rin dahil nag-internship si Matt sa Australia. Naghiwalay man sila Matt at Kylie, sinabi ng aktres na tuluy-tuloy pa rin ang kanilang komunikasyon.

Nag-focus muna sa trabaho si Kylie dahil alam niyang bata pa siya at maaaring isantabi muna ang love life. Subalit hindi yata maiwasan na walang magkagusto kay Kylie dahil bukod sa maganda ay mabait pa. Nabighani rin si Martin Del Rosario sa kanya subalit hindi naging seryoso kaya’t ang naumpisang usok ay madaling namatay. Napabalita ring nanligaw si Julian Trono sa kanya subalit pinabulaanan ito ni Kylie.

May kasabihan nga ang mga matatanda, sa hinaba-haba man ng prusisyon ay sa simbahan pa rin ang tuloy.

Matapos ang dalawang taong break up nina Kylie at Aljur ay muling silang nagkabalikan. Masasabing ang huling quarter ng 2016 ay naging memorable sa kanila ang bansang Japan dahil dito muling binuksan ni Kylie ang kanyang puso sa taong talagang nilalaman ng kanyang puso, si Aljur. Lingid sa kaalaman ng marami na bago pa mapabalitang nagdadalantao si Kylie ay engaged na ito kay Aljur subalit ito ay kanilang inilihim upang hindi makasagabal sa Encantadia.

Hindi na nagtagal at sumabog ang balitang buntis si Kylie na hindi naman ikinaila ng dalaga. Marami sa kanyang mga tagahanga ang nagulat nang lumabas ang balita na may kalakip na larawan na kumalat sa social media na patay na ang karakter ni Kylie sa Encantadia. Pinatay ang kanyang karakter dahil lubhang nakaka-stress ang mga eksena para sa kanyang kalagayan kaya minabuti ng direktor na siya ay pagpahingahin pansamantala. Ikinalungkot ito ng marami subalit umaasa pa rin sila na ang karakter ni Kylie at maging si Kylie at makababalik pa sa Encantadia na siya namang ipinangako ng direktor dahil hindi lubusang mawawala si Kylie sa naturang teleserye kaya dapat abangan ng marami ang mga susunod pang kabanata ng Encantadia.

Naging masaya at exciting ang mundo ni Kylie nang kanyang pasukin ang showbiz. Masasabi nating na-achieved niya ang estado habang siya ay nasa itaas ng tagumpay sa showbiz. Siya ay magpapaalam pansamantala upang harapin ang pagsubok bilang reyna ng tahanan nila ni Aljur at maging ina sa tunay na realidad ng buhay.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *