Home > Miscellaneous > Tayo na’t Mag-ipon Tulad ng Hapon

Tayo na’t Mag-ipon Tulad ng Hapon

Bilang isang OFW, mayroon sang-ayon at kontra. Ang ibig sabihin, kung mayroong maganda ay mayroon din hindi maganda sa pagiging isang OFW. Makakabiyahe ka at mararanasan mo ang mamuhay nang mag-isa sa labas ng Pilipinas, magkakaroon ka ng pagkakataong makasalamuha ng tao mula sa iba’t ibang bansa at matutunan ang kanilang kultura, may mga OFW din ang nagkakaroon ng pagkakataong maging matagumpay sa ibang bansa.

May disadvantage rin ang pagiging OFW? Ang malayo sa pamilya at maglakbay sa ibang bayan ay mahirap para sa isang Pinoy; ang mamuhay nang mag-isa sa ibang bansa ay nakakalungkot lalo pa’t ang mga Pinoy ay masyadong emosyonal. Ito ay isang malaking sakripisyo para sa kanila na hindi nila alam kung ang paglayo bang ito ay magbibigay ng positibo o negatibong resulta tulad ng relasyon sa pamilyang maiiwan at syempre sa aspeto ng pananalapi.

Ang pagiging OFW ay hindi panghabambuhay

Ang pagtatrabaho sa ibang bansa ay may kontrata at natatapos din. Kung magkakaroon ng aberya sa kumpanya o employer ay maaari kang mawalan ng trabaho sa isang iglap.

Ang salaping hiniram o inutang

Kung hindi pamilyado, laging isipin na ang sweldong makukuha ay hindi para gastusin sa walang kapararakan dahil ilalagay ka nito sa isang sitwasyong pagsisisihan mo sa bandang huli. Ang utang na hindi makakabuti ay ang personal na utang; ang katanggap-tanggap na utang ay ang pagbabayad sa bahay at lupa o ilang investment na sa huli ay tumataas ang halaga. Siguruhing mapupunta sa mas mabuting utang.

Pamilya ang nagkokontrol ng pera

Kadalasang dahilan ng OFW kung bakit sila nagpapadala ng pera sa pamilya ay para makabayad sa inutang o sa bills sa bahay. Ok lang ito pero huwag kalimutang magsubi. Dapat isipin ang dahilan bakit ka nagpapakahirap na magtrabaho abroad, ito ay para makaipon.

Magastos

Ang malaking palit ng salapi ang nag-uudyok sa mga OFW na gumastos ng walang kapararakan. May mga OFW na nangangatwiran, ine-enjoy lang nila ang kanilang pinagpaguran sa sukdulang nalilimutan nila ang salitang pag-iipon. Dapat ay alam mong kontrolin ang sarili sa paggastos dahil ang kaban ay nauubos din.

Walang plano sa kinabukasan

Madali para sa mga OFW na magtrabaho sa isang kumpanya o employer sa loob ng 5 o 10 taon ay parehong trabaho ang ginagawa. Pero gusto mo bang ito na lang ang iyong gawin sa habambuhay? Ang isang magandang panimula ay ang mag-invest sa isang negosyong kaya mong patakbuhin at ikaw mismo ang magiging boss.

Mag-isip ng maayos na investment

Ilan sa investment para sa OFW ay ang real estate o pagbili ng house and lot na hulugan dahil sa paglipas ng panahon, ang halaga nito ay tumataas. Maghanap din ng iba pang pwedeng paglagakan ng salaping naipon tulad ng mutual funds o stock market. Pero laging tandaan, bawat investment ay dapat pinag-aaralan muna bago pasukin.

Para sa mga Pinoy sa Japan, maaaring gayahin ang mga Hapon sa pag-iipon ng salaping pinagpaguran:

  1. Pagkukumpara. Ito ang laging ginagawa ng mga Hapon. Lagi nilang ikinukumpara ang presyo. Tinitignan nila kung alin at saan ang mas mura. Para sa mga nagtatrabaho, imbes na kumain sa labas ay nagbabaon sila ng bento para makatipid. Isipin na lang ang laki ng halagang matitipid sa isang taon kung babaguhin ang lifestyle.
  2. Paraan ng pagtatabi ng pera. Ang mga Hapon ay may paraan nangg pagsusubi ng pera. Halimbawa, may itatabi sila para sa pagbibiyahe o di kaya para sa pag-aayos ng mga dapat kumpunihin sa loob ng bahay o mga ilang bagay na sa tingin nila ay dapat pag-ipunan. Kumbaga, may kani-kaniyang purpose ang pag-iipon na ginagawa nila.
  3. Paggo-grocery. Bago mamili sa supermarket ay ilista muna kung ano ang kailangan. Karamihan sa mga hindi naglilista ay mas malaki ang nagagastos. Kapag nasa supermarket na, kunin lang kung ano ang kailangan at huwag nang mag-ikot pa dahil ito ang nagiging dahilan para mas lalong lumaki ang babayaran.
  4. Paggamit ng credit card. Hindi masamang gumamit ng credit card pero mas mabuting magbayad ng cash. Laging tatandaan na ang mga credit card ay may mga additional charges. Ang mga Hapon ang may pinakamababang datos sa paggamit ng credit card. Mas gusto nilang magbayad ng cash o debit kesa credit card.
  5. Paggamit ng Kakeibo. Ang Kakeibo ay isang ledger o household account book kung saan nakalagay ang mga bayarin, mga gastos at ang pumasok na pera sa loob ng isang buwan. Sa pamamagitan nito ay malalaman kung gaano kalaki ang ginastos at kung magkano ang naipon.

  6. Paggamit ng point cards. Isa sa paraan ng pagtitipid ay ang inaalok na point card ng mga grocery stores at drugstores. Halimbawa, sa bawat 100 yen na iyong ginagastos ay may 1 point ka na makukuha na itatatak sa iyong point card. Sa bandang huli, ang mga points na ito ay magbibigay ng savings.

Leave a Reply

%d bloggers like this: