Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Showbizz

Sylvia Sanchez at Arjo Atayde magkakasama sa unang pagkakataon sa seryeng “Hanggang Saan”

Bibigyang buhay ni Sanchez ang naiibang kuwento ng isang ina na handang gawin ang lahat para sa  anak sa serye na may pilot episode na streaming simulcast sa local airing nito sa Nov 27 sa TFC online

Hanggang saan nga ba ang kayang gawin ng isang ina para sa pagmamahal niya sa kaniyang anak?

Iyan ang sasagutin ng naiibang kuwentong magbibigay ng bagong mukha sa pagmamahal ng mga ina, ang “Hanggang Saan”. Mapapanood ang pinakabagong teleserye sa Pilipinas via ABS-CBN channel 2, at sa labas ng bansa via The Filipino Channel (TFC), habang ang pilot episode nito ay i-stream via TFC online (www.TFC.tv) simulcast sa local airing nito sa November 27 sa key countries worldwide.

Matapos siyang mahalin ng sambayanan bilang Gloria sa “The Greatest Love,” muling matutunghayan ng mga manonood si Sylvia Sanchez sa pagbibigay-buhay niya kay Sonya, isang matapang na nanay na kayang isakripisyo ang lahat para sa kaniyang mga anak.

Makakasama naman ng award-winning actress sa unang pagkakataon sa isang serye ang anak niyang si Arjo Atayde, na gaganap naman bilang Paco. Matalino at maaasahan, si Paco ay kasalukuyang kumukuha ng kursong abogasiya at nagsusumikap na mabigyan ng mas komportableng buhay ang pamilya.

Makikilala rin nila ang mag-inang sina Jean (Teresa Loyzaga) at Anna (Sue Ramirez) na magiging malapit nilang mga kaibigan at babago sa takbo ng kanilang mga buhay.

Sa unang tingin, isa lamang pangkaraniwang pamilya ang tahanan ni Sonya. Ngunit mag-iiwan ng maraming katanungan ang kaniyang kuwento dahil hindi tulad ng nakasanayang kuwento ng mga ina, madadawit si Sonya sa isang krimen upang madugtungan ang buhay ng nag-aagaw-buhay niyang anak na si Paco.

Gagawa si Sonya ng argumento sa mga nanay at mga anak. Ang tanong ay ‘Gagawin ko ba ang ginawa ni Sonya? Dapat ba ginawa niya o hindi niya dapat ginawa ‘yung krimen?’” sabi ng batikang aktres na si Sanchez.

Naniniwala naman si Atayde na isang bagong pagtingin naman sa temang “mother’s love” ang ibibigay ng kanilang proyekto. Aniya, “Babasagin namin ang imahe ng pagiging isang ‘ideal’ na ina. Dito makikita natin kung paano mamahalin ang isang taong alam nilang may bahid”.

Kasama rin sa “Hanggang Saan” sina Ariel Rivera, Yves Flores, Maris Racal, Marlo Mortel, Nikko Natividad, Rommel Padilla, Nanding Josef, Anna Luna, Mercedes Cabral, Rubi Rubi, Viveika Ravanes, Sharmaine Suarez, Ces Quesada, Arnold Reyes, Maila Gumila, at Junjun Quintana. Ito ay sa ilalim ng direksyon nina Mervyn Brondial at Jeffrey Jeturian.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *