You are here
Home > Travel > Ready to Escape the Cold? Let’s Go to Okinawa!

Ready to Escape the Cold? Let’s Go to Okinawa!

Popular na destinasyon ng mga lokal at dayuhang turista ang Okinawa dahil sa mala-kristal na tubig ng dagat, puting buhangin at makulay na marine life rito na kadalasan ay makikita sa mga promotion materials para sa turismo ng lugar.

Ang Okinawa ang pinakatimog prepektura ng Japan. Ito ay binubuo ng aabot sa 160 isla na kilala rin sa tawag na Ryukyu Islands na dating tributary state ng China sa loob ng ilang dantaon hanggang sa ito ay pasukin ng Satsuma domain noong 1609 at gawing tributary state ng Japan sa ilalim pa rin ng pamamahala ng royal family mula sa Shuri Castle. Ilang taon matapos ang Meiji Restoration ay binuwag ito at opisyal na napabilang sa Japan bilang Okinawa Prefecture.

Mainam na puntahan ang Okinawa kung nais panandaliang tumakas sa napakalamig na klima sa Tokyo at iba pang karatig-lugar dahil sa sub-tropical na klima rito. Tuwing mga buwan ng Enero at Pebrero kung saan napakalamig sa Tokyo ay naglalaro naman sa 20 degrees celsius ang temperatura sa Okinawa.

Sakay ng eroplano mula Haneda o Narita Airport sa Tokyo, mararating ang Naha Airport sa Okinawa humigit-kumulang dalawang oras at kalahati.

Ang Naha City na kapital ng Okinawa Prefecture ang isa sa pinakamadaling puntahan kung unang beses na bibisita rito. Mula sa Naha Airport ay maaari nang sumakay ng pampublikong transportasyon at tumungo sa mga kilalang pasyalan tulad ng UNESCO World Heritage Site na Shurijo Castle Park. Kung ikaw ay interesado sa historya ng Okinawa, huwag palampasin pumunta rito. Pagkatapos dito ay maaaring tumungo sa Kokusai Street kung saan makikita ang iba’t ibang tindahan, kainan at souvenir shops; Makishi Public Market na tinatawag na “kitchen of Okinawa” kung saan maraming prutas, gulay at seafood ang mabibili; at Tsuboya Pottery Village na sentro ng Okinawan pottery. Kung gusto niyo ng kakaibang experience, maaari mo rin subukan gumawa ng palayok.

flickr by Jeff Tolentino

Sa hilagang kanlurang bahagi naman ng Okinawa Prefecture ay makikita ang Okinawa Churaumi Aquarium, isa sa pinakamalaki sa buong mundo na mayroong 77 tangke na naka-display kung saan makakakita ng whale sharks, manta ray at iba pang uri ng buhay-dagat.

Okinawa Churaumi Aquarium

Kung ang hilig mo naman ay paglangoy, sikat ang Busena beach, Manza beach at Nirai beach sa mga turista. Ang Azama Sansan at Zampa beach naman ay may kalmadong alon at nagkalat ang mga lifeguards kaya mainam ito sa mga may dalang bata.

flickr by Meighan

Bago lisanin ang Okinawa ay nararapat lamang bumili ng mga sikat na souvenir sa lugar na ito. Ang Chinsuko ay isang kilalang Okinawan sweets. May iba’t ibang lasa ito tulad ng brown sugar, gatas at iba pa. Ang Beni imo tarts naman ay popular na rin na souvenir dahil sa natural na tamis ng kamote na nagpalasa lalo sa tart.

Leave a Reply

Top
%d bloggers like this: