You are here
Home > Cover Focus > Pepito Manaloto: Ang Tunay na Kuwento

Pepito Manaloto: Ang Tunay na Kuwento

Ang teleseryeng ito ay tumatalakay sa buhay ng isang pamilya na nagmula sa isang simpleng tahanan hanggang sa dinapuan ng swerte dahil sa pagkapanalo sa lotto at ngayon ay buhay milyonaryo na. Isang reality sitcom na nagsimula pa noong 2010 at hanggang ngayon ay napapanood pa rin sa telebisyon.

Si Michael V. ang gumaganap sa papel na Pepito Manaloto at si Manilyn Reynes naman ang gumaganap na kanyang maybahay bilang si Elsa. Kung iisipin natin, sa reyalidad ay imposibleng may manalo ng halagang P700 milyon sa isang ticket lamang. Kadalasan, ang kabuuang halaga ay napaghahatian sa ilang ticket at iba’t ibang tao na tumaya rin sa lotto subalit totoong nangyari na noong taong 2010 ay may isang nanalo sa lotto sa halagang P741 milyon.

Ang unang season ay tumalakay sa pakikipagsapalaran sa buhay nina Pepito at ng kanyang asawang si Elsa. Tipikal at natural na nangyayari sa ating paligid. Normal at pang-araw-araw na pakikibaka sa buhay. Pagkagising sa umaga ay magpe-prepara ang maybahay ng almusal at ang padre de pamilya naman ay papasok sa trabaho o di kaya naman maghahanap ng trabaho. Sa buong maghapon na paghahanap nang mapapasukan, ang misis ay nasa bahay at inaasikaso ang tahanan upang sa pagdating ni mister ay handa na ang kanilang hapunan.

May mga pamilyang kuntento na sa payak at tahimik na buhay. Na ang ambisyon ba ay makakain lamang ng tatlong beses sa isang araw, mabayaran ang tubig at kuryente at may kaunting ipon sa bangko upang paghandaan ang kinabukasan ng mga anak. Masaya ‘di ba? Subalit hindi lahat ay ganito ang nangyayari.

Sa panahon ngayon, maraming taong walang trabaho, mga pamilyang nagugutom na kahit may trabaho ang parehong mag-asawa ay hindi pa rin sapat ang kinikita upang mapaglabanan ang hamon ng buhay.

Marami kang makikitang mag-asawa na tinitiis na mawalay sa kanilang mga anak at lumalabas ng bansa upang makipagsapalaran at magtrabaho para matustusan ang lahat ng pangangailangan ng pamilya.

Ang TV sitcom na “Pepito Manaloto” ay hindi naiiba sa pangkaraniwang pamilya na hikahos sa umpisa at dinapuan ng swerte at nanalo sa lotto at ngayon ay buhay mayaman na. Nakatira sa magarang tahanan, maayos ang bihis at maraming kasambahay at may sariling negosyo. Kahit sino sa atin, hindi natin alam kung kelan darating ang swerte sa atin.

Ang swerte ay hindi lamang tungkol sa salapi. May iba’t ibang kahulugan ito. Tulad halimbawa ng swerte sa isang lalaki na makakilala ng isang babaeng kanyang mamahalin sa habambuhay o di kaya swerte dahil natanggap sa trabaho, swerte dahil maayos ang kanilang kalusugan, swerte dahil dininig ng Diyos ang kanilang kahilingan. Opo, ang lahat ng nabanggit namin ay itinuturing naming swerte. Hindi lahat ng swerte ay sa materyal na bagay lamang.

May mga taong ipinapaubaya ang kanilang swerte sa pamamagitan ng mga orasyon, dasal, o materyal na bagay na magbibigay sa kanila ng kakaibang lakas upang harapin ang iba’t ibang hamon sa buhay.

Ang palabas na “Pepito Manaloto” ay ginawa at ipinalabas upang ipakita sa mga manonood ang tunay na nangyayari sa isang pangkaraniwang pamilya. Ang pagkapanalo nila sa lotto ay hindi nakapagpabago sa ugali ng mag-asawa, bagkus ay ipinakita nila na kahit sila ay mayaman na, nakatuntong pa rin sila sa lupa at itinuturing na parte ng pamilya ang bawat kasambahay. Hindi naman perpektong pamilya ang kay Pepito, may ups and down, ika nga. Hindi lahat pagpapasarap, may suliranin din silang dapat harapin.

Si Pepito Manaloto ay maswerte kasi as his name suggests, nanalo siya sa lotto,” panimula ni Michael V o Bitoy.

Na-curious kasi ako kung ano ang pakiramdam kapag nanalo ka sa lotto, anong gagawin mo sa panalo mo. Kasi maraming ganun ‘di ba, nanalo sa lotto tapos nauwi sa wala,” kuwento niya.

Proud si Michael V. sa proyektong ito dahil iba ang Pepito Manaloto. At para maging makatotohanan ang kanyang pagganap, kinailangan niyang baguhin ang kanyang hitsura sa mga naunang episodes nito. Kabilang na rito ang pagpapaitim sa kanya, ang paglalagay ng wig at pustiso.

Para malayo sa tradisyonal na sitcom, ang “Pepito Manaloto” ay nilagyan ng elemento ng reality, documentary at pati na drama. Ang orihinal na cast ay sina Manilyn Reynes na gumanap na Elsa na asawa ni Pepito at si Carmina Villaroel na nagbalik muli matapos ang ilang taong paglipat nito sa ABS-CBN at muling nagbalik sa bakuran ng GMA 7.

Ano nga ba ang tunay na reyalidad ng buhay? Life is not a bed of roses, ika nga. Ang buhay minsan masaya, minsan malungkot. Tayong lahat ay may kanya-kanyang kapalaran na kung sasangkapan ng pagsusumikap at matibay na paninindigan ay makakamit ang swerteng hinanap.

Para sa ilang tao, may isang klase ng swerteng matatawag na ang nagbibigay sa kanila ng tunay na swerte ito ay ang kaligayahan, katiwasayan ng pag-iisip, pamilyang may solidong pundasyon, maayos na tirahan, maayos na kalusugan at higit sa lahat, pamilyang may takot at paniniwala sa Diyos. May kasabihan nga, “the family that prays together, stays together.

Manigong Bagong Taon sa inyong lahat!

Leave a Reply

Top
%d bloggers like this: