Home > Cover Focus > Paskong Pinoy sa Kalyeserye Lolas

Paskong Pinoy sa Kalyeserye Lolas

Kung ikaw ay Pilipino, kahit nasaan dako ka man ng mundo, kapag sumasapit ang panahon ng Kapaskuhan, ang unang pumapasok sa iyong isipan ay ang Pasko sa Pilipinas.

Kadalasan, ang mga Pinoy sa abroad ay umuuwi kapag ganitong panahon upang ipagdiwang ang masayang Pasko kapiling ng pamilya at kaibigan.

Ang Pasko ay ipinagdiriwang sa buong mundo. Iba’t ibang lahi, kultura, paniniwala, nakalakihan o naranasan, ay may kani-kaniyang paraan ng pagdiriwang.

Para sa mga bata, kakaiba ang hatak ng Pasko. Masaya sila sa tuwing darating ang ganitong panahon, nariyan ang nakakakita sila ng sari-saring laruan na nakikita sa mall o maging sa Divisoria o Baclaran na ibinebenta sa murang halaga. Mga damit o anumang gamit pambahay para sa mga ginang ay nagkalat din.

Pero ano nga ba talaga ang kahulugan ng Pasko sa mga Pilipino?

Marami sa atin ang bumabalik mula sa abroad. Bakit? Mas masaya sa Pilipinas. Mas maingay, mas maliwanag sa gabi at mas mararamdaman mo ang excitement ng bawat taong masasalubong mo sa mall, palengke, grocery, at maging sa loob ng opisina o sa loob ng bahay. Kakaiba talaga. Nakakaramdam ka ng kasiyahang hindi maipaliwanag. Ang mga matatanda ay parang nagiging bata muli dahil sa excitement.

Ang Pasko ay panahon ng pagbibigayan, pagmamahalan at pag-aalala rin sa kapanganakan ni Hesus. Kumbaga, walang masamang tinapay kapag panahon ng Pasko. Kung sa halos buong taon ay may magkaibigan na hindi nag-uusap dahil sa samaan ng loob, pagdating ng Pasko, sila ay nagkakabati. May mga pamilyang nagkakahiwalay o kamag-anak na nakatira na sa malayong probinsya, pagdating ng Pasko, sila ay nagkikita-kita.

Tayong mga Pilipino ay nagdiriwang ng Kapaskuhan sa ating nakaugaliang pamamaraan.

Tulad ng pagsasalarawan ng “Kalyeserye Lolas na sina Lola Nidora, Lola Tinidora at Lola Tidora. Kung inyong napansin, ang sikat na sikat na kalyeserye ang nagbigay inspirasyon sa mga manonood na bigyang importansya ang matandang kaugalian at huwag itong kalilimutan. Nakita rin natin sa kalyeseryeng ito ang pagbibigay halaga sa tradisyon at kostumbre na nakalakihan ng tatlong lola. Mula sa pagkakakilala nina Yaya Dub at Alden hanggang sa unti-unting pagkahulog ng loob ng dalawa sa isa’t isa at hanggang sa pagliligawan. Naging maingat si Lola Nidora. Naging kontrabida man ang hitsura niya sa mga manonood ay hindi pa rin siya bumigay sa matandang kaugalian na kanyang nakagisnan.

Sina Lola Tinidora at Lola Tidora man ay sumang-ayon sa kagustuhan ni Lola Nidora na pangalagaan si Yaya Dub. Ang tatlong lola ang sumisimbulo sa matandang kaugalian nating mga Pilipino na ang paggalang at pagsunod sa matandang kaugalian ay hindi masama lalo pa’t kung ang layunin nito ay para sa ikabubuti ng lahat. Sa Kapaskuhang ito, ang mga matatanda, tulad ng mga kalyeserye lolas, ay bumabalik ang kanilang gunita sa mga nakaraang Paskong kanilang naranasan noong bata pa sila. Marami mang pagbabago sa paraan ng paggunita ng Pasko na nakuha na rin marahil mula sa iba’t ibang bansa, hindi pa rin natin dapat kalimutan ang ating tradisyon na sa tuwing sasapit ang panahon ng Kapaskuhan, ang pagmamahalan, respeto at sama-sama ang pamilya ay hindi mawawala.

Para sa ating mga ninuno, tuwing Kapaskuhan, ang pagsasalu-salo at pagsasama-sama ng pamilya ay mahalaga. Kahit na ang isang kamag-anak na matagal nang nanirahan sa ibang bansa ay hindi nakakalimot umuwi upang ipagdiwang nito ang Pasko sa bansang kanyang sinilangan.

Masaya sa Pilipinas kaya naman kapag ganitong panahon ng Kapaskuhan ay marami sa ating mga Pilipino na nakatira sa abroad na maaga pa lamang ay nagpapa-book na sa airline companies dahil baka maubusan sila ng ticket. At syempre para hindi nila ma-miss ang kasiyahang dulot ng pagdiriwang ng Pasko sa sariling bayan.

Leave a Reply

%d bloggers like this: