Kim Chiu and Gerald Anderson Together Again

Naging bukas na libro sa mga tagahanga at sa showbiz ang tambalan noon nina Gerald Anderson at Kim Chiu. Kapwa sila produkto ng reality TV show na “Pinoy Big Brother” ng ABS-CBN sa Teen Edition 1 kung saan nakuha ni Kim ang unang pwesto at si Gerald naman ay pangatlo. Matapos ang ilang buwan ay binuo ng ABS-CBN Star Magic ang kanilang tambalan kung saan ito ay nauwi sa totohanan.

Masaya ang kanilang mga tagahanga sa tambalang “Kimerald” at gumawa ito ng mga pelikulang patok sa mga manonood, maging teleserye sa telebisyon o sa pelikula. Matatandaang ang unang primetime TV series nila ay ang “Sana Maulit Muli” at sinundan ng taong din na iyon ng isang pelikula na produce ng Star Cinema ang, “I’ve Fallen For You.” Naging patok sa mga tagahanga ang kanilang tambalan kaya ginawaran sila ng parangal bilang Most Popular Love Team ng Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation Awards. Kabi-kabila ang kanilang naging teleserye at pelikula na kinalugdan ng mga tagahanga at ang mas lalo pang nakakakilig ay ang tambalan nila ay walang halong pagkukunwari dahil sila ay magkasintahan. Ang kanilang huling pelikulang ginawa na magkasama ay ang “Till My Heartaches End” na sa pakiramdam ng mga manonood ay ang mga panahong nagkakalabuan na ang dalawa to the point na pati ang mga masugid nilang tagahanga ay naging maramdamin. Taong 2011 nang magkahiwalay na ang tambalang Kimerald na ikinalungkot ng marami.

Natambal si Gerald sa iba’t ibang leading ladies ng ABS-CBN at maging si Kim ay natambal naman kay Xian Lim. Naging bukas na aklat din ang hindi magandang paghihiwalay ng dalawa na naunawaan naman ng marami kung bakit hindi sila naging in good terms sa loob ng ilang taon. Ika nga ng iba, “time heals wounds.” May pilat man na hindi na maaalis, subalit ang sakit at hapdi ay unti-unting nabura ng panahon. Iisa lang ang kanilang network na kinabibilangan, nagkakasama sa isang Sunday variety show, nagkakasama sila sa mga shows abroad, naging civil na sila sa isa’t isa kasabay ng pagma-mature ng kanilang mga batang puso.

Ngayong taong 2017 at matapos ang pitong taon nang huli silang nagtambal, isang malaking sorpresa ang ibinalita ng pamunuan ng ABS-CBN, muling magkakasama ang tambalang Kimerald. Marami sa tagahanga nila ang natuwa dahil makikita nilang muli ang kanilang idolo na magkasama. Ang kanilang TV series, “Ikaw Lang Ang Iibigin.”

Hindi kaila sa marami na may ilangan sa pagitan nina Kim at Gerald dahil hindi naging maganda ang kanilang paghihiwalay. Although magkasama sila sa ilang shows ng ABS-CBN ay simpleng “hi, hello” lang sila sa isa’t isa. Nagpasalamat na lang si Kim at marami nang nagbago mula ng sila ay nagkahiwalay at naging mas mature na sila at natuto sa past experiences nila. Ayon pa kay Kim, natuto na siyang magpatawad. “’Di ka magiging fully happy kung ‘di ka magpapatawad. Ikaw din ang mahihirapan. Iiwas ka, magagalit ka, magsasabi ka ng masama, so why not just forgive?

Para naman kay Gerald, thankful din siya at nabigyan sila ni Kim ng pagkakataon ng ABS-CBN na muling magkasama sa isang soap opera at buhayin ang kanilang tambalan, ang Kimerald. Nag-trending sa social media ang programang “MMK (Maalaala Mo Kaya)” kung saan magkasama sina Kim at Gerald, na parang naging acid test kumbaga kung ano ang magiging reaksyon ng mga manonood sa kanilang tambalan. At hindi nagkamali ang pamunuan ng ABS-CBN dahil ang episode nina Kim at Gerald sa “MMK” ang isa sa mas inabangan at pinanood ng mga tagahanga.

Kung noon ay mahirap silang magsalita tungkol sa bawat isa, ngayon ay puro papuri na ang maririnig mula sa kanilang mga bibig. “Iba ‘yung maturity. Lagi siyang naka-actor’s cue,” paglalahad ni Kim. “Kung dati ay makulit at magulo siya, ngayon ay mas tahimik siya. Siguro sign of aging,” pagbibiro ni Kim.

Kung tatanungin mo naman si Gerald tungkol kay Kim, “Laging mataas ang energy niya. Minsan, kailangan kong lumayo kasi sobrang nakakahawa. It’s great to work with her determination and passion,” aniya.

Inamin din ng dalawa na ngayon ay okey na sila at wala na yung “invisible wall” na nasa pagitan nila. Mas matured na nilang haharapin ang kanilang tambalan at kinalimutan na nila ang pait ng nakaraan. Ang pagpapatawad ang naging pinakamalaking factor upang muli nilang buuin ang kanilang tambalan, and this time in a more matured way.

Sa kasalukuyan ay humahataw sa ratings ang kanilang teleserye na ngayon pa lang ay marami nang humihiling na pagkatapos nito ay sa pelikula naman nila ituloy ang reunion ng Kimerald.

Leave a Reply

%d bloggers like this: