Home > Cover Focus > Jennylyn Mercado: The Ultimate Star on a Roll

Jennylyn Mercado: The Ultimate Star on a Roll

Medyo matagal na rin si Jennylyn Mercado sa showbiz at tuluy-tuloy pa rin ang pagkinang ng kanyang bituin. Hindi man isang superstar na maituturing ay nakatatak na sa industriya ang kanyang pangalan bilang isang mahusay na aktres.

Nagsimula siya sa showbiz taong 1999 at nanalo sa isang talent reality search na “StarStruck” noong 2003. Simula noon ay unti-unti na niyang tinahak ang landas ng showbiz pataas. Binigyan siya ng iba’t ibang proyekto ng GMA 7 kung saan hanggang ngayon ay contract artist pa rin siya. Nakagawa ng iba’t ibang commercial endorsements, TV guestings, teleserye at pelikula. Ang mga pelikulang “My Faithful Husband,” “Blue Moon” at “Rosario,” ang naging pundasyon ng kanyang karera. Sa mga pelikulang ito kinilala ang kanyang galing sa pag-arte.

May mga panahon din nandyan lang siya at sa tingin ng marami ay lie low stage siya pero mayroon at mayroon pa rin balitang lumalabas tungkol sa kanyang showbiz activities na hindi pwedeng hindi mapansin. Maging bad or good publicity tungkol kay Jennylyn ay publicity pa rin kaya nga hindi siya nakakalimutan ng mga tagahanga.

Ang estado ni Jennylyn sa showbiz ay kakaiba dahil hindi siya maituturing na superstar pero naging paborito siya ng iba’t ibang direktor sa pelikula at itinambal siya sa mga sought after leading men ng showbiz. Isa na riyan si Derek Ramsey kung saan nakakuha ito ng Best Actor award sa 2014 Metro Manila Film Festival para sa indie film na “English Only, Please.”

Sinundan ito ng “the Prenup” kung saan nakatambal naman niya si Sam Milby. Pagkatapos nito ay sinundan naman ng pakikipagtambal niya kay Jericho Rosales sa pelikulang ‘Walang Forever,” kung saan nakuha din nila ang Best Actor at Best Actress awards sa 2015 Metro Manila Film Festival.

Marami rin ang kinilig at inakala ng marami na lilipat na siya sa ABS-CBN nang itambal siya kay John Lloyd Cruz para sa pelikulang “Just the 3 of Us” under Star Cinema.

Tinaguriang the “Ultimate Star” ay medyo nahihiya pa si Jen dahil hindi niya inisip na ibigay sa kanya ang naturang titulo. Gayunpaman ay nagpapasalamat siya.

Thank you naman. Hindi ko ine-expect na magkakaroon ako ng ganyang klaseng title. Maraming salamat kung ‘yun ang napili n’yo para sa ‘kin… At the same time, meron konting pressure kasi kailangan kong mapatunayan sa kanila, kailangan kong ma-maintain ‘yun para sa kanila,” pag-amin ni Jen.

Mula sa humble beginnings ay nag-umpisa si Jen sa pinakamababa, tinahak niya at sinuong ang iba’t ibang challenges upang makamit ang titulo bilang Ultimate Survivor ng “StarStruck.”

Ang kung ilang taon niya sa showbiz ang nagbigay sa kanya ng pagkakaton upang matutuhan ang iba’t ibang klase ng role maging sa telebisyon man o sa pelikula. Nandyan ang comedy, drama, romance, horror, at iba pa. Hindi pilit ika nga. Kusa siyang nahinog sa mga roles na ibinigay sa kanya kung kaya’t naging feeling easy at flexible siya sa bawat papel na ibinibigay sa kanya. Hindi rin dapat kalimutang si Jen ay isang singer kaya kung hindi man siya busy sa pag-acting ay busy naman siya sa recording o singing engagements.

Naging bukas na libro ang buhay ni Jen sa kanyang mga tagahanga. Alam ng lahat ang pribadong buhay niya at lahat ng kanyang pain, heartaches at struggles noong bata pa lang siya. Mula nang pumanaw ang kanyang naging ina-inahan ay nakaramdam si Jen ng pag-iisa. Mula sa pagiging bata na walang kamalay-malay ay natutong maging matatag sa buhay. Nagbunga ang lahat ng kanyang pagsusumikap na ngayo’y tumatayong ina at ama sa kanyang anak na si Jazz (anak niya kay Patrick Garcia). Superwoman sa paningin ni Jazz at sa paningin ng kanyang mga tagahanga.

Maging ang love life ni Jen ay naging isang bukas na libro na hindi naman niya itinago. Ang una niyang naging kasintahan sa showbiz ay si Mark Herras na kasama niya sa “StarStruck.”

Si Patrick Garcia na ama ni Jazz, na kahit sila ay hiwalay na ay ibinibigay pa rin nila sa kanilang anak ang pag-aaruga bilang mga magulang.

Naging laman din ng balita ang well-publicized relationship niya kay Luis Manzano. Dahil na rin siguro sa laging laman ng balita ang kanilang relasyon ay hindi ito nagkaroon ng privacy at nauwi sa hiwalayan na magpahanggang ngayon ay hindi pa rin alam ang tunay na dahilan.

Si Dennis Trillo na sa kasalukuyan ay ang pinakamalapit sa kanyang puso. Naghiwalay ang dalawa noon. Dahil na rin siguro sila ang pinagtadhana sa isa’t isa ay nagkabalikan ang dalawa at ngayon ay tahimik.
Naging masalimuot man ang love life ni Jen ay hindi niya pinabayaan ang kanyang anak at ang showbiz dahil ito ang kanyang naging therapy upang labanan ang mapaghamong laro ng buhay.

Sa kasalukuyan ay busy si Jen sa taping ng kanyang pinakabagong teleserye na kinakikiligan ng mga tagahanga. Ang “My Love From The Star” kung saan ay katambal niya ang baguhang si Gil Cuerva. Maganda ang ratings ng kanilang pilot episode at kasulukuyang nakikipaghatawan ng ratings sa programa ng “ABS-CBN” na “Ang Probinsyano.”

Sa back to back success ni Jennylyn at sa estado niya ngayon ay nakatatak na ang kanyang pangalan sa showbiz bilang Ultimate Star.

Leave a Reply

%d bloggers like this: