Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Cover Focus

Heart Evangelista: On Love and Career

Pangalan pa lang ay mai-in love ka na kay Love Marie Payawal Ongpauco o Heart Evangelista. Bakit nga ba Love ang ipinangalan sa kanya? Dahil siya ay ipinanganak sa buwan at mismong araw ng mga puso. Nasa dugo ni Heart ang pagiging businesswoman. Isa siya sa pamilya ng mga restaurateurs na nagme-may-ari ng Barrio Fiesta chain of restaurants.

Lumaki man sa ibang bansa ay hindi nawala sa kanya ang ugaling Pilipino. Hindi man sang-ayon sa pagpasok ni Heart sa showbiz, ay sinuportahan siya ng kanyang ina sa pagpasok dito na siya rin nagsilbi bilang manager niya.

Naging commercial model siya bago siya nadiskubre bilang isa sa Star Circle Batch 9 ng ABS-CBN. Ipinareha siya kay John Prats kung saan pumatok ang kanilang loveteam.

Maraming nagawang youth-oriented TV shows si Heart sa ABS-CBN at dahil sa angking galing at natural sa pag-arte ay umani siya ng award mula sa Star Awards, ang Best New Movie Actress at Best New TV Actress sa Star Awards for Movies at Star Awards for TV, Texter’s and Listener’s Choice Award at ang Himig Handog Awards para sa kantang “Love Has Come My Way.”

Pagkatapos ng kanyang kontrata sa ABS-CBN ay lumipat si Heart sa GMA 7 na hanggang sa kasalukuyan siya ay naka-kontrata. Ang kanyang lovelife ay naging makulay, mula kay John Prats na kanyang ka-loveteam na umusbong sa tinatawag nilang puppy love, naging nobyo rin niya sina Jericho Rosales at Daniel Matsunaga. Ang matatawag na ultimate love niya ay si Sen. Chiz Escudero.

Naging bukas na libro ang pag-iibigan nina Heart at Chiz simula sa una nilang pagkikita sa pamamagitan ni Sen. Miriam Defensor-Santiago na ninang ni Heart sa binyag. Hindi man naging madali at naging masalimuot sa umpisa dahil pagtututol ng mga magulang ni Heart ay hindi dito nagtapos, ipinaglaban nina Heart at Chiz ang kanilang pagmamahalan na sa wakas ay humantong sa pag-iisang dibdib.

“Because quite the contrary, our relationship became stronger because of that. So it’s a challenge in our family, but not in our relationship.

“Because I’d like to count Heart as part of my family and her family as well,” pag-amin ni Escudero sa isang panayam.

Heart Evangelista

Sabi nga ng mga matatanda, matitiis ng mga anak ang kanilang mga magulang subalit hindi ang magulang sa anak. Nagkaroon din ng kapatawaran sa magkabilang panig at marahil ay sa tulong na rin ng malalapit na kaibigan at kamag-anak.

Ngayon ay masayang-masaya si Heart at Chiz sa kanilang buhay mag-asawa. Si Heart na naging ever supportive wife kay Chiz noong nakaraang eleksiyon ay tuloy pa rin sa kanyang mga showbiz commitments. Ang kanyang foundation na Heart Can ay nagpapatuloy pa rin na ang layon ay upang matulungan ang mga batang may respiratory diseases. Si Heart rin ang tagapagsalita at tagasuporta ng PAWS o Philippine Animal Welfare Society. Ang iba pang pinagkakaabalahan ni Heart ay ang pagpipinta.

“So with this art scene, with me as Love Marie, I really feel na my life is a bit more normal and it’s therapeutic. And I feel that there’s something promising in what I’m doing.

“Siyempre hindi mo pa rin maiiwasan na nakaka-pressure yung lahat ng tao, everything’s magnified,” ani Heart.

“Gusto ko i-separate ang pagiging artista ko sa pagiging artist ko. I feel so cool, it just feels nice, so fulfilling and inspiring,” dagdag pa niya.

Aminado si Heart na ang pagsabayin ang pagiging artista at pagpipinta ay hindi naging madali. Pero hindi siya nagmamadali.

“Basta magsipag ka, every year, you do something new, I think I’ll get there.”

Maganda ang epekto ng buhay may-asawa kay Heart. Unti-unti niyang natutuhan at kahalagahan ng mga mumunting bagay. Tinuturuan siya ni Chiz na huwag maging dependent upang makatayo ito sa sariling mga paa. Laking may kaya si Heart, isa siya sa mga tinatawag na “girl born with a silver spoon” kaya hindi niya natutuhan ang kumilos nang mag-isa. Medyo naninibago sa umpisa pero unti-unti ay natutuhan ni Heart ang mga ito sa tulong ng kanyang esposo.

“Marami talaga akong natutuhan. I’m lucky that I have somebody that allows me to really discover myself.

“Natutuhan ko talaga ang importance ng money and being practical sa kanya,” pag-amin ni Heart. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *