Philippine Digest

Best pinoy portal in Japan

Travel

Discover the Hidden Gems of Luzviminda

Tayid Lighthouse by April Aguilar-Timonera

Nagtala ng 6,620,908 foreign tourist arrivals ang Pilipinas noong nakaraang taon kung saan umabot sa 584,180 ang mga turistang Hapon, ang pang-apat sa pinakamaraming bilang ng mga dayuhang turista.

Kadalasan ay binibisita ng mga dayuhan ang mga popular na destinasyon tulad ng Boracay, Cebu at Palawan – tatlo sa pinagmamalaking lugar ng bansa. Itong tatlo rin na ito ang kadalasang inilalathala sa mga babasahin. Ngunit sa totoo lang, ang Pilipinas ay mayroon na ngayong 7,641 isla. Samakatuwid, napakarami pang magaganda at nakamamanghang lugar sa Pilipinas ang maaaring pasyalan. Narito ang tatlong lugar na unti-unting nadidiskubre ng mga turista, ang Batan Island, Batanes sa Luzon, Siquijor sa Visayas at Dinagat Islands sa Mindanao.

Batan Island, Batanes

Ang Batanes ay isa sa mga maituturing na paraiso sa Pilipinas dahil sa magandang kalikasan, kakaibang lugar at kulturang Ivatan.

Ang Batan ang pangunahing isla ng Batanes kung saan matatagpuan ang kapital nito na Basco. Ilan sa mga pamosong atraksyon dito ang Marlboro Hills, Basco Lighthouse, Mahatao Tayid Lighthouse, Dipnaysupuan Japanese Tunnel, Vayang Rolling Hills, Mt. Caramel Church, Honesty Coffee Shop at Ruins of Songsong. Maglaan ng dalawang araw para mabisita ang mga lugar na ito.

Tukon Church (Mt. Carmel Chapel) by April Aguilar-Timonera

Huwag rin palampasin bisitahin ang mga bahay ng mga Ivatan na gawa sa mga makakapal na bato. Ang bubong ay gawa sa cogon grass na kayang tumagal ng ilang taon kahit na daanan pa ng anumang kalamidad.

Mula Disyembre hanggang Mayo ang pinakamainam na pumunta sa Batanes. Mula sa Maynila, mararating ang Batan Island paglapag sa Basco Airport sakay ng Philippine Airlines, Sky Jet at Wakay Air.

Siquijor

Kilala rin sa taguring “Mystique Island,” ang Siquijor ay popular sa mga tao dahil sa mga kwento tungkol sa witchcraft. Ngunit sa katunayan ay maraming ipinagmamalaking beaches ang lugar kung saan mainam mag-snorkeling. Nariyan din ang mga kweba, waterfalls at kagubatan nito na naghihintay na madiskubre ng mga turistang darayo rito.

Ang Salagdoong Beach ay makikita sa bayan ng Maria. Isa ito sa mga paborito ng mga lokal dahil sa maputing buhangin, mala-crystal na tubig at cliff-diving.

Cambugahay Falls by Den Balingit and Pia Satuito

Ang Cambugahay Falls naman ay ang must-visit place sa Siquijor dahil sa kulay asul at malinaw na tubig. Tatlong waterfalls o talon ang makikita rito. Madali lamang ito puntahan at hindi na kailangan mag-hike.

Mararating ang Siquijor sa pamamagitan ng pagsakay ng tricycle sa Dumaguete port kung saan may ferries na magdadala sa mga pasahero diretso rito.

Dinagat Islands

Ang Dinagat Islands ay isang grupo ng mga isla na bumubuo sa lalawigan sa rehiyon ng Caraga sa Pilipinas, na matatagpuan sa timog bahagi ng Leyte Gulf. Ang pangunahing isla nito ay ang Dinagat. Ilan sa mga atraksyon nito ay ang white sand beaches, coral reefs at limestone cliffs na maaaring ihanay sa Palawan at Boracay.

Kisses Islets in Libjo 2_by_www.kapwatravel.com blog

Ngunit ang pinagkaiba nito sa mga sikat na tourist spot sa Pilipinas, ay ito’y hindi pa nadedevelop ng husto. Ibig sabihin, wala pang mga resort o komersyalismo ang nakatayo sa paligid ng mga isla. At para sa mga turista na ang hanap ay tahimik, malinis at mapayapang lugar, narito ang island hopping destination na maaaring puntahan; ang Bitaog Beach, Tagbirayan Beach, Libjo Island at ang Lake Bababu Underwater Cave na itinuturing na longest underwater cave sa Pilipinas.

Sakay ng ferry boat mula Surigao City ay mararating ang Dinagat Islands.

Tagbirayan Beach, Cagdianao by www.kapwatravel.com blog

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *